
Binatilyo patay sa saksak ng menor de edad; umawat sugatan
PATAY ang 17-anyos na binatilyo nang pagsasaksakin ng isang menor-de-edad habang sugatan isa pa na nagtangkang umawat matapos siyang saksakin ng kasama ng suspek Huwebes ng gabi sa Navotas City.
Hindi na umabot ng buhay sa Navotas City Hospital ang biktima dahil sa mga tinamong saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Nakaratay naman sa Tondo Medical Center ang 23-anyos na si Ramon Doinog IV, pintor, ng ERC St. B. Cruz, Brgy. Tangos North matapos operahan dahil sa saksak sa likod.
Sa report ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, naglalakad na pauwi si Doinog bandang alas-7:00 ng gabi nang makita niyang sinasaksak ng isang kabataan ang namatay na biktima sa kanto ng A. Cruz at B. Cruz Streets, Brgy. Tangos-North.
Inaawat ni Doinog ang suspek nang biglang sumulpot mula sa kanyang likuran ang isa pang binatilyo at siya naman ang inundayan ng saksak.
Tumakas na ang dalawa matapos siyang masaksak at mapatay ang biktima.
Sa follow-up operation nina P/Lt. Alexander Calabucal, Commander ng Navotas Police Sub-Station-2, nasakote ang dalawang menor-de-edad na suspek pasado alas-12 ng madaling araw ng Biyernes.
Nabawi mula sa suspek ang 10-pulgadang patalim na ginamit sa krimen.
Ayon kay Col. Cortes, isasailalim pa sa dental examination ang isa sa dalawang nadakip sa hinalang nasa hustong edad na at taliwas sa iginigiit ng kanyang ina na siya’y 17-anyos pa lamang.
Hindi nakapag-sumite ng birth certificate o iba pang dokumento na magpapatunay sa tunay na edad ng isang suspek.