
Binata mahilig manantsing, manghalik ng bata, kulong
TIMBOG ang 35-anyos na binatang madalas tsansingan ang Grade 8 na batang babae nang umabot na sa sukdulan ang kamanyakan at pinasok na sa silid ang biktima sabay himas sa maseselang parte ng katawan nito Sabado ng madaling araw sa Malabon City ‘.
Inaresto nina P/SSg. Paulino Tarrayo at P/Cpl. Kirshner Buendia ng Malabon Police Sub-Station-3, sa tulong ng mga tanod ng Barangay Maysilo, ang suspek makaraang maghain ng reklamo ang ina ng 13-anyos na dalagita na nagsumbong sa ginawang kapangahasan sa kaniya ng suspek.
Ayon sa ulat na isinumite ni Malabon police officer-in-charge P/Maj. Alfredo Agbuya Jr. kay Northern Police District Director P/BGen. Rizalito Gapas, natutulog sa loob ng kanyang silid ang dalagita nang magising dakong alas-3 ng madaling araw matapos maramdaman na may humihimas sa kanyang bubot pang dibdib at humahaplos sa maselang parte ng kanyang katawan.
Nang sipatin niya ang pangahas, kaagad niyang nakilala ang biktima na aniya ay noon pang Agosto 28 nagsimula siyang tsansingan at madalas ay may pagka-malisyoso pang hinahalikan siya sa labi.
Lumabas naman kaagad ng silid ang suspek nang malamang nagising ang biktima, kaya’t dito na isinumbong ng dalagita sa kanyang ina ang madalas na panghihipo at panghahalik sa kaniya ng lalaki na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.
Iprinisinta na sa Malabon City Prosecutor’s Office para sa inquest proceeding ng mga tauhan ng Malabon police Women and Children Protection Desk ang suspek, para sa isasampang kasong acts of lasciviousness at paglabag sa Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.