
Binata, 18, nagnenok ng 2 lata ng power drink sa mall, kulong
CABANATUAN CITY – Arestado ang isang 18-anyos na binata matapos umano itong magnakaw umsno ng dalawang lata ng adult nutrition supplement power drink na nagkakahalaga ng P7,289 sa isang mall dito Linggo ng gabi.
Sinabi ni Provincial police information chief Captain Franklin D. Sindac na ang suspek na residente ng Block 199, Lot 12, Bgy. Laylayan, Montalban, Quezon City ay itinurn-over ng mga security personnel ng Savemore Market sa SM Megacenter sa pulisya ng lungsod alas-7 ng gabi.
Si Cecille Reyes, 25, customer assistant ng Savemore, ng Bgy. Mallorca, San Leonardo, Nueva Ecija, na kumakatawan sa complainant na Sanford Marketing Corporation, ang nakahuli sa akto sa suspek habang papatakas, ani Sindac.
Nakuha mula sa suspek ang dalawang lata ng adult supplement na power drink na nagkakahalaga ng P3,644.50 bawat isa, na tinangay sa selling rack ng nasabing tindahan.
Nakatakdang sampahan ng kasong pagnanakaw ang suspek sa tanggapan ng piskal ng lungsod dito.