Default Thumbnail

Bilang ng mga pasyente sa Manila COVID-19 hospital tumaas

October 11, 2022 Edd Reyes 247 views

INIULAT ng Manila Health Department (MHD) na tumaas ang bilang ng mga pasyente sa kanilang Manila COVID-19 Field Hospital na itinayo sa harapan ng Luneta Grandstand sa Independence Road, Ermita.

Batay sa pinakahuling ulat na isinumite ng MHD sa tanggapan ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, 43 mula sa kabuuang 344 na bed capacity na kumakatawan sa 13 porsiyento ang kabuuang okupadong kama ang naitala nitong Lunes ng hapon.

Ang naturang bilang ng mga pasyente, ayon sa MHD ay mas mataas kumpara sa 27 na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang linggo at mas mataas sa 35 kaso na iniulat noong araw ng Linggo, Oktubre 9, 2022.

Sinabi ni Mayor Lacuna-Pangan na 24 o mayorya ng bilang ng mga pasyenteng nasa kanilang pasilidad ay pawang mga “asymptomatic” o walang anumang sintomas ng naturang virus, 19 naman ang bahagyang nakakaranas ng sintomas at wala isa mang naiulat na nasa malubhang kalagayan.

Ayon pa sa alkalde, sa kabuuang 43 mga pasyente na kasalukuyang nasa kanilang COVID-19 Field Hospital, lima ang hindi pa nakakapagpabakuna, isa naman ang nakatanggap na ng unang dose, 15 ang fully vaccinated at 22 ang mayroon ng booster shots.

Napag-alaman din ni Mayor Lacuna-Pangan na may sapat na rin supply ng oxygen ang pasilidad na umaabot sa 95 sa pinakahuling inventory habang sapat pa ang bilang ng mga medical frontliners na mangangalaga sa kalusugan ng mga pasyente.

Dahil sa paglobo ng bilang ng mga pasyente sa naturang pasilidad, binalaan ni Mayor Lacuna-Pangan ang publiko na huwag magpa-kampante dahil nasa paligid pa rin ang virus na dulot ng COVID-19 habang hinimok niyang muli ang mga residente na magpabakuna at magpa-booster naman ang mga kuwalipikado na.

AUTHOR PROFILE