Default Thumbnail

Bilang ng kaso ng sore eyes sa Cagayan , tumataas

September 15, 2023 Zaida I. Delos Reyes 542 views

PATULOY ang pagtaas ng kaso ng soreyes sa Cagayan batas sa datos na inilabas ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU) ng Provincial Health Office (PHO).

Sa datos ng PESU umaabot sa 36 hanggang 40 kada araw ang naitatalang kaso ng sore eyes sa lalawigan.

Sinabi ni Nestor Santiago ng PESU, pinakamarami sa mga tinatamaan ng sore eyes ay mula sa Tuguegarao City kung saan karamihan dito ay mga bata.

Aniya, posibleng magbago ang datos dahil patuloy parin ang ginagawang konsolidasyon sa mga kaso ng sore eyes sa Cagayan.

Ang sore eyes o conjunctivitis ay isang impeksyon o iritasyon sa mata na bunga ng mga mikrobyo. Ang karaniwang sintomas nito sa mata ay ang pamumula, pamamaga, pananakit, pagluluha, pagmumuta, maging ang pagkakaroon ng makati o mahapdi na pakiramdam.

Isa ang pabago-bagong panahon sa sinasabing dahilan kung bakit lumalaganap ang sore eyes sa lalawigan.

Pinayuhan naman ni Aisha Arce ng Department of Health Region 2, ang publiko na ugaliing maghugas ng kamay gamit ang tubig at sabon upang makaiwas sa soreeyes.

Maari din aniyang gumamit ng sanitizer na may alkohol upang i-sanitize ang mga kamay.

Maliban dito, huwag ipagamit sa ibang tao ang mga kagamitan na lumapat sa mga mata gaya ng eye makeup, pillowcases, glasses, towels, at iba pang personal na gamit.

Pinapayuhan din ang publiko na agad magpakonsulta kapag makaranas sintomas ng sore eyes upang mabigyan ng karampatang lunas at iba pang interbensyon.