Paul Gutierez

Bilang na ang araw ng ‘favoritism’ sa ayuda!

June 28, 2024 Paul M. Gutierrez 84 views

MALAPIT nang matuldukan ang baluktot na sistema ng ‘favoritism’ ng mga opisyal ng gobyerno, partikular ang mga pulitiko, sa pamamahagi ng ayuda sa kanilang mga nasasakupan.

Kaya bilib tayo kay ACT-CIS Patry-list Rep. Erwin Tulfo dahil sa tinagal-tagal na nang ganitong kalakaran at sistema sa gobyerno sa pamamahagi ng ayuda, tanging siya lamang ang nakaisip na magsulong ng batas para parusahan ang mga ganitong opisyal ng gobyerno.

Batid ni Rep. Erwin ang mga ganitong sistema, dahil bilang isang beteranong mamamahayag, marami nang sumbong at reklamo ang nakarating sa kanya hinggil sa mga ganitong bulok na sistema ng pamimigay ng ayuda – ang ‘favoritism’ o ‘yung may pinipili.

Nand’yan ang inuuna ni government official ang mga kamag-anak, na kahit hindi naman totoong naghihirap ay kasama sa listahan ang mga pangalan. Nariyan din na kung hindi ka supporter o kaalyado, lalo’t higit kung sa kalaban ka bumoto noong nakaraang eleksyon, ay tiyak na ligwak ka sa listahan ni mayor, ni gob, o ng kung sinumang opisyal ng gobyerno.

“Lagi nating naririnig ang problema na namimili si government official ng bibigyan niya ng ayuda mula sa gobyerno tuwing may kalamidad, pero wala namang nangyayari sa reklamo dahil walang napaparusahan dahil walang batas laban dito,” pahayag pa ng beteranonmg brodkaster.

Malaking tumpak si boss Erwin sa paghahain niya ng panukalang batas na ito, dahil hindi mahihinto ang bulok na sistema kung walang mapaparusahan, at higit sa lahat, aabusuhin at sasamantalahin ang pamamahagi ng ayuda ng mga ‘kurimaw’ na opisyal ng pamahalaan.

Kaya nitong Huwebes, June 27, ay nag-file si idol Erwin ng House Bill na may titulong “An Act Penalizing Selective, Discretionary, and Discriminatory Acts in the Delivery of Cash, Livelihood, or Relief Assistance Programs of Local Government Units (LGUs).”

Nakapaloob sa panukala na papatawan ng parusa ang lalabag na opisyal ng pagkakulong ng anim hanggang isang taon pagkabilanggo at ang masaklap, bawal nang humawak ng anumang posisyon sa gobyerno, appointed man o elected o ‘yung tinatawag na ‘perpetual disqualification from holding public office.’

Kita naman natin ang malasakit ni Cong. Erwin para sa maliliit nating kababayan, na ayaw niyang may naiiwan at hindi naisasama sa mga programa ng gobyerno partikular sa mahihirap, kaya’t nagsulong siya ng ganitong panukala.

Kahit alam ni idol Erwin, kasamang Jerico Javier, na marami ang aangal at tatamaan ng panukalang batas na ito, hindi nangimi ang mahusay na mambabatas dahil alam niya na nasa tama siya at kapakanan ng maliliit nating kababayan ang nakasalalay.

Tiyak na marami nang pulitiko ang manginginig ang tuhod sa panukalang ito ni Rep. Erwin dahil bilang na ang baluktot na diskarte ninyo. Huwag ninyong ipagkait sa maliliit nating kababayan ang biyaya na galling mismo sa buwis ng taumbayan.

Huwag sanang umasta ang mga pulitiko na akala mo ay sa bulsa nila galing ang mga ipinamamahagi na ayuda, kaya mas mainam na wala kayong piliin sa pamamahagi.

Isang bagay din ang natitiyak natin, ang hindi sumang-ayon sa panukala ng number one senatoriable sa lahat ng survey na si Rep. Erwin, malamang tatamaan ng panukalang ito. Abangan!

AUTHOR PROFILE