Default Thumbnail

Bigyan ng puso ang Pag-ibig Funds

September 16, 2022 Allan L. Encarnacion 298 views

Allan EncarnacionISAMA dapat ni Housing Secretary Jerry Acuzar sa kanyang programa ang magkaroon talaga ng totoong pagmamahal ang Pag-ibig Funds sa mga kababayan nating kumukuha ng housing loans.

Makailang ulit na nating naisulat dito na kaya maraming mga pabahay ng gobyerno ang nilalangaw dahil sa mga terms o paraan ng pagbabayad ng mga nakakautang.

Kung hindi man kukuha ng bahay sa government low-cost housing, uutang na lang para sila ang makapagpatayo ng sariling tahanan.

Karaniwan nga, uutang ng P1.3M na payable sa loob ng 25 years. Maliit na halaga ito para sa iba pero sa mga talagang hand-to-mouth lang ang suweldo, mahihirapan silang mabayaran ito. Iyon ngang kakilala ko na halos maembargo na ang bahay dahil nahirapan nang magbayad.

Para sa kaalaman ni Secretary Acuzar, ang P13,700 na binabayaran ng nangutang kada buwan, ang P700 lang ang bayad sa principal loan samantalang ang P13,000 ay para lang sa interest!

Hindi ito kayang bayaran mag-isa, kailangan parehong may trabaho ang mag-asawa dahil mahirap bunuin ang P13,700 monthly para lang pambayad ng utang.

Hindi natin alam kung paano gagawin ng Housing czar na mapapaba ang interest ng mga nangungutang para hindi umaabot sa puntong naeembargo ulit ng Pag-ibig ang bahay na naipatayo ng mga pobreng kababayan natin.

Iyon kasing P1.3M, nagiging P4.9M yan sa loob ng 25 years kaya parang naghahabol sa wala ang mga nangungutang. Mabuti nga sana kung sa loob ng 25 years ay may trabaho ang mag-asawa. Paano kung along the way, isa sa kanila ang mawalan ng trabaho? Patay kang bata ka, embargo ang bahay!

Narinig natin ang paliwanag ni Secretary Acuzar kung paano mapapagaan ang bayarin sa pabahay ng pamahalaan. Ang plano ng kalihim, P3,000 lang ang monthly na parang rent-to-own” sa mga gustong makakuha ng unit sa mga itatayong pabahay ng pamahalaan sa loob ng anim na taon.

Iyong P3,000 na parang bayad sa principal loan, magaan ito kumpara sa P13,700 monthly na walang katiyakan. Kung matutupad ni Acuzar ang kanyang plano na makapagtayo ng milyun-milyong pabahay sa buong Pilipinas, kauna-unahan itong mangyayari sa ating kasaysayan.

Ang alam ko, sa lungsod ni Mayor Albee Benitez sa Bacolod City ang pilot housing project ni Secretary Acuzar. Kaabang-abang ang proyekto dahil baka ito na ang maging susi para magkaroon ng totoong puso ang Pag-ibig Funds.

Holistic ang magiging approach ni Sec Jerry sa housing program ng pamahalaang Marcos kaya umaasa tayong sa susunod na anim na taon ay magkakaroon ng signifcang reduction sa housing backlog sa bansa.

Sabi nga ni Kabayang Noli, bakit ka mangungapahan pa kung kaya mo namang magkabahay na?

[email protected]