BBM BUKAS NA PO–Binuksan ni Presidente Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang Cabaruan Solar-Powered Pump Irrigation Project sa Brgy. Cabaruan, Quirino, Isabela noong Lunes. Kasama sa okasyon sina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Deputy Speaker Antonio “Tonypet” Albano, Gov. Rodito Albano, National Irrigation Administration (NIA) Administrator Engr. Eduardo Guillen and Quirino Mayor Edward Juan. Kuha ni Ver Noveno

Biggest solar-powered irrigation sa Isabela binuksan ni PBBM

June 10, 2024 Chona Yu 103 views

PINASINAYAAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pinakamalaking solar-powered pump irrigation project sa Brgy. Cabaruan, Quirino, Isabela.

Umaasa si Pangulong Marcos na ngayong natapos na ang proyekto, mapapataas na ang produksyon ng mga produktong pang-agrikultura.

Nasa P65.77 milyon ang inilaang pondo sa proyekto na sinimulang gawin noong Hulyo 2023 at natapos noong Pebrero 2024.

Binubuo ang pumping station ng 1,056 solar panels at kayang makabuo ng total wattage output ng 749,200 watts, may dalawang unit ng submersible pumps na may output discharge capacity na 12,800 gallons per minute.

Kaya nitong bigyan ng irrigation ang 350 ektaryang lupang sakahan.

Ayon sa Pangulo, layunin nito na mapabababa ang production costs ng may 247 na magsasaka sa lugar na matagal nang umaasa sa gasoline o diesel-engine/water pumps.

“Napakalaki ng naging katipiran natin dito dahil bukod sa libre na ang pagkukuhanan ng kuryente, inilagay mismo sa taas ng irrigation canal ang ating solar panel kaya hindi nito mababawasan ang lupang tinataniman ng ating mga magsasaka,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Kasama ni Pangulong Marcos si Speaker Martin Romualdez. Ayon kay Romualdez, bibigyan ng buong suporta ng Kongreso ang sektor ng pagsasaka.

Katunayan, ayon kay Romualdez dinagdagan ng Kongreso ang pondo sa National Irrigation Administration para sa pagpapagawa ng mga karagdagang irigasyon.

Itinuturing ang Isabela na “rice granary of the north.”

AUTHOR PROFILE