Tansingco

BI sa mga mag-aabroad: Mag-ingat sa illegal recruiters

October 31, 2023 Jun I. Legaspi 196 views

MULING nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga Pilipino na gusto magtrabaho sa abroad, partikular sa China, na mag-ingat sa mga illegal recruiters makaraang limang Pilipino ang nare-patriate mula sa naturang bansa kamakailan.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, inaresto at ikinulong sa China ang limang Pilipino makaraang matuklasan na iligal silang nagtatrabaho sa naturang bansa.

Tatlo sa kanila ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Oktubre 20 at kinabukasan naman ang dalawa mula sa Guangzhou, China.

Ayon sa Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), nahihikayat ang mga Pilipino na magtrabaho sa China kahit na walang overseas work permits.

Pagdating doon, nakakuha sila ng mga trabaho tulad ng hotel housekeeper, caretaker, private tutor at household service workers (HSWs).

Pero dahil sa iligal ang pananatili, nagpalipat-lipat ng employer ang ilan sa kanila para hindi mahuli.

Isa sa babaeng biktima ang nag-kwento na pinagpanggap siya ng kanyang recruiter na yaya at sumama pa sa biyahe patungo sa China para mapalabas na namamasukan siya sa kanilang pamilya.

Ngunit inabuso siya pagdating sa China. Nang mahuli, nakulong siya ng 70 araw bago matulungan ng gobyerno ng Pilipinas.

Sinabi ni Tansingco na dapat magsilbing babala sa ibang Pilipino ang karanasan ng naturang OFW.

Pinayuhan din niya ang mga Pilipino na huwag magpapatukso sa pekeng pangako ng mataas na sahod ng mga recruiters na biglang maglalaho kapag nagka-problema na sila sa destinasyong bansa.

AUTHOR PROFILE