Kagawad

Bgy kagawad timbog sa panunutok, pagpapaputok

June 12, 2024 Edd Reyes 120 views

ARESTADO ang 63-anyos na kagawad ng barangay na inireklamo ng panunutok at pagpapaputok ng baril ng kanyang ka-lugar araw ng Martes sa Malabon City.

Kusang isinuko ni alyas “Jaime”, residente ng Karisma Village, Brgy. Panghulo, ang kanyang lisensiyadong kalibre .45 baril na may kalakip na “permit to carry outside residence” sa mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan na nagresponde sa sumbong ng nagaganap na walang habas na pagpapaputok ng baril dakong alas-4 ng madaling araw sa Road 1, Karisma Village.

Sa imbestigasyon ng pulisya, may okasyon sa bahay ng 28-anyos na si alyas “Karl” sa Blk 4 kaya’t nagamit nila ang kalsada sa Road 1 para sa pag-iinuman ng mga bisita nang dumaan ang kagawad at sinita ang mga nag-iinuman.

Nagkaroon ng pagtatalo kaya’t umuwi ang suspek at nang bumalik, dito na narinig ng mga residente sa lugar ang sunod-sunod na putok ng baril.

Nakuhanan pa ng video ng nakatatandang kapatid na babae ni Karl ang kagawad habang hawak ang baril at nagtatatalak sa harap ng bahay ng biktima.

Nakuha rin ng mga nagrespondeng tauhan ng Police Sub-Station-3 ang anim na basyo at dalawang depormadong bala ng kalibre .45 baril na dahilan upang arestuhin ang suspek.

Inihahanda na ng mga tauhan ni Col. Baybayan ang pagsasampa ng mga kasong grave threat at alarm and scandal laban sa nasabing kagawad sa Malabon City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE