Crime

BGY CHAIRMAN TINAMBANGAN, DEDO

June 17, 2023 Zaida I. Delos Reyes 431 views

PINAGBABARIL hanggang sa mapatay ng hindi pa nakikilalang suspek ang isang kapitan ng barangay sa loob mismo ng kanyang sasakyan sa Norzagaray, Bulacan.

Nakilala ang biktima na si Marcelino Punzal, 63, barangay chairman ng Bgy. Bangkal.

Batay sa ulat ng Norzagaray police, naganap ang insidente dakong 7:30 ng umaga nitong Biyernes, sa kahabaan ng Sapang A, Eden Ville sa Bgy. Partida.

Pauwi na umano ang biktima lulan ng kanyang Mitsubishi Estrada nang paulanan ng bala ng mga suspek ang kanyang sasakyan.

Ang biktima ay nagtamo ng tama ng bala sa kanyang ulo at katawan na siyang naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Sta Maria, Bulacan, matapos ang insidente.

Nakuha mula sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong fired cartridge cases at slug mula sa kalibre 45.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.