
BFP R7 Carmen Cebu FS Pick-up truck tinangay ng flashflood sa Cebu, 1 patay, 6 nawawala, 10 nasagip
ISANG 11-anyos na batang babae ang nasawi habang anim na iba pa ang nawawala makaraang tangayin ng malakas na agos ang sinasakyang pick-up truck sa naganap na flash flood nitong Lunes ng hapon sa bayan ng Carmen, Cebu.
Nakilala ang biktima na si Arshane Bejoc na ang bangkay ay natagpuan sa baybayin ng Barangay Loay.
Patuloy na pinaghahanap ang mga nawawalang biktima na kinabibilangan nina Mike Stanley Tungal, 15; Aishie Hermoso, 12; Rhesamie Costan, 25; Nathaniel Lozano, 11; Elmer Costan,25 at Clarrise Ypil, 13.
Batay sa ulat ng PNP ang insidente ay naganap dakong 5:45 ng hapon sa Barangay Lower Natimao-An sa bayan ng Carmen.
Galing ang mga biktima sa isang resort at papauwi na sa kanilang bahay nang maganap ang insidente.
Sa inisyal naulat, tinawid ng sasakyan ng mga biktima ang spillway subalit hindi ito nakayanan ang malakas na agos ng tubig kaya’t tinangay ang sasakyan patungo sa ilog.
Ayon kay Engr. Rodger Suico, naganap ang insidente sa gitna ng pagbuhos ng malakas na ulan sa lugar .
Aniya, hindi tuluyang nawala ang sasakyan dahil naharang ito ng malaking bato na nasa ilog.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.