Tulfo

Ben ‘Bitag’ Tulfo isusulong reg’l help desk para sa OFWs

March 29, 2025 Edd Reyes 396 views

NANINIWALA si senatorial aspirant Ben “Bitag” Tulfo na upang maiwasan ang pang-aabuso at pananamantala sa mga nais maging overseas Filipino worker (OFW), kinakailangan ang pagtatayo ng Regional Help Desk sa buong bansa.

Ito aniya ang help desk na pagtatanungan ng mga nais maging OFW sa bawa’t barangay, na naka-timbre na sa lokal na pamahalaan, at dito rin magpapaalam ang mga paalis na kababayan upang magabayan. Mabisang hakbang din aniya ito para labanan ang illegal recruitment at human trafficking ng mga dorobong recruitment agency.

Inilatag ni Ben Bitag Tulfo ang nakikitang solusyon sa mga nabibiktima ng illegal recruitment sa kanyang pagsasalita sa isang pagtitipon sa Tarlac City na dinaluhan ng 4,500 na pamilya ng mga OFW, mga Balik-Manggagawa at mga nagnanais maging OFW,

Kinakailangan anya ang “proactive approach” o hindi pa man nangyayari ay may aksiyon at solusyon na sa pamamagitan ng help desk na gagabay sa kanila at aatasang magparehistro muna sa kanilang barangay at lokal na pamahalaan upang mabatid ang kanilang kinaroroonan at numerong maaaring tawagan.

Dagdag pa ni Ben Bitag, alam niya ang mga modus ng mga dorobong recruiter na kunwa’y isaailalim sa pagsasanay ang nais maging OFW, patitirahin sa maliit na silid at pagtatrabahuhin ng walang sahod.

Kaagad aniyang papipirmahin ng kontrata ang biktima nang hindi ipinaliliwanag ang nakasaad dito kaya kung may help desk, ito ang makakatulong sa kanila bago pumirma.

Alam na alam aniya niya ang ganitong modus dahil marami ng nabiktima ng illegal recruitment at human trafficking ang lumapit sa kanyang investigative program na BITAG na kanyang natulungan, sa tulong na rin ng mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng National Bureau of Investigation (NBI), Department of Justice Inter-Agency Council Against Trafficking (DOJ IACAT) at NBI Anti Human Trafficking Division (NBI AHTRAD).

AUTHOR PROFILE