Kulong

Bebot timbog sa rent tangay modus

February 6, 2024 Melnie Ragasa-limena 151 views

TIMBOG sa pulisya ang isang 26-anyos na babae na umano’y sangkot sa ‘rent-tangay’ modus Lunes ng umaga sa UP Campus .

Nakakulong na sa QCPD Station 9 ang hindi pa pinangalanang suspek.

Ayon kay PLtCol. Ferdinand Casiano, nagkasa sila ng entrapment operation matapos magharap ng reklamo ang isa sa mga nabiktima ng suspek.

Lumilitaw na pinatutubos ng suspek ang nirentahan niyang sasakyan sa halagang P200,000.

Batay sa salaysay ng may-ari ng sasakyan, nakatransaksiyon niya online ang suspek noong Enero 10.

Nirentahan ng suspek ang SUV sa loob ng dalawang araw, pero umabot na ng isang buwan ay hindi pa ito ibinabalik.

“Mga ilang araw, naghihintay kami sa panibagong kontrata para makipagkita pero hindi na po nakikipagkita. Tapos ‘yung GPS po patay na so nagtataka na kami, kinakabahan na rin kami. Tapos hindi mo na makausap nang maayos ‘yung nag-rent,” anang biktima.

Mangiyak ngiyak at galit na sinabi ng biktima na hindi pa nila natatapos bayaran ang sasakyan sa bangko at hanggang sa ngayon ay hindi pa natatagpuan ang SUV.

Kasunod nito, ilang biktima din ang nagtungo sa pulisya upang idulog ang pang momodus ng suspek.

Sa follow-up operation nabawi ang dalawa pang tinangay na sasakyan sa tulong ng GPS. Napag alaman na naisanla ng suspek ang dalawa pang sasakyang ni ‘rent tangay’.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, may apat pang kasamahan ang naarestong suspek. Nago-operate ang grupo sa Quezon City, Pasay, Cavite at Laguna.

Nahaharap sa kasong robbery-extortion ang suspek habang patuloy na hinahanap ng pulisya ang iba pang kasabwat ng nito.