Default Thumbnail

Bebot tiklo sa carnap, kelot tumakas

November 14, 2023 Melnie Ragasa-limena 463 views

INIIMBESTIGAHAN ng Quezon City Police District (QCPD) ang 29-anyos na babae matapos na iwanan sa loob ng sasakyan na kinarnap ng kasamang lalaki sa Mandaluyong City noong Lunes.

Nasa kustodiya ng Quezon City Police District (QCPD) Anti-Carnapping Unit (ACU) ang babae habang patuloy ang pagtugis sa driver na si Michael Gerard Urmeneta Quebral, na kilala rin sa mga alyas na Michael Castillo Quebral at Michael Castillo Urmeneta, 28.

Bandang alas-9:30 ng gabi nang maaresto ang babae sa Pioneer St., Brgy. Highway Hills, Mandaluyong City.

Batay sa imbestigasyon ni PCMS Federico S Perez, bandang alas-4:00 ng hapon ng nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na naispatan sa kahabaan ng Pioneer St., sa Brgy Highway Hills, Mandaluyong City ang kinarnap na MV Hyundai Sonata (TOC 101) na pag-aari ni Dr. Rodolfo Rosales Jr., 61.

Pumunta agad sa nasabing lugar ang mga pulis sa pangunguna ni P/Maj. Hector Ortencio para i-verify ang impormasyon.

Subalit pagdating ng mga pulis at maberipika na kinarnap ang nakaparadang sasakyan mula sa doktor pinaharurot ng suspek na si Quebral ang sasakyan patungo sa entrance/exit ng parking ng condo.

Matapos ang maikling habulan, na-korner ang suspek pagdating sa harap ng McDonalds sa kanto ng Pioneer at Reliance St., Brgy Highway Hills, matapos na mabangga.

Agad na tumakas si Quebral at iniwan ang babae dahilan upang arestuhin ito.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa P.D. 1612 o Anti-Fencing Law laban sa babae, habang tinutugis pa ang lalaking nagmaneho ng nakaw na sasakyan.