Tansingco

Bebot na South Korean tiklo sa investment scams

June 23, 2024 Jun I. Legaspi 70 views

INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng South Korean na wanted dahil sa investment scams.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, naharang habang papaalis ng bansa sa NAIA 3 ang 42-anyos na pasahero noong Hunyo 18 lulan sana ng Cebu Pacific flight patungong Hanoi.

In-offload siya sa flight makaraang makita ng BI officer na mayroon itong derogatory record at target ng blue notice mula sa Interpol.

Hindi muna inilabas ang pagkakakilanlan ng babae alinsunod sa Interpol protocol. Bukod sa pagkakasama sa Interpol watchlist, iniulat din na nawawala at ninakaw na ang pasaporte ng babae.

“She will be deported for being an undesirable and undocumented alien after which she will be placed in our blacklist and (will be) banned from re-entering the country,” dagdag ni Tansingco.

Base sa impormasyon, 2019 nang matuklasan ang investment scam ng babae at iba pang kasabwat.

Pinangakuan umano ang mga biktima ng malaking kita sa investment sa pamamagitan ng money lending business.

Umabot sa mahigit 385 million wono $277,000 ang umano’y nakulimbat ng suspek mula sa kanilang mga biktima.

Mula 2018 hanggang 2019, 10 pang biktima ang nahikayat niyang magbukas ng joint bank account pero nakuha niya ang pera ng mga ito matapos ang initial deposit na 60,000,000 won ($43,000).

AUTHOR PROFILE