Default Thumbnail

BBM Tigers Barangay Patrol, mapapakinggan na sa radyo

June 13, 2023 Edd Reyes 294 views

KASABAY ng pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng “Araw ng Kalayaan” nitong araw ng Lunes, inilunsad sa Metro Manila, Calabarzon (Cavite,Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), Mindoro at Mindanao ang Brotherhood of Brave Maharlikan Tigers (BBM Tigers) Barangay Patrol na isang pambansang programa bilang serbisyo publiko sa radyo at social media.

Ayon kay Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas (KSMBPI) President at Brotherhood of Brave Maharlikan Tigers (BBM Tigers) Vice President for Strategic Communications Dr. Michael Raymond Aragon, layong talakayin ng BBM Tigers Barangay Patrol ang mga mahahalagang balita at impormasyon na mapapakinggan sa public service program na mapapakinggan sa DWBL 1242Khz kada linggo mula alas-7:00 hanggang alas-8:00 ng gabi Lunes hanggang Biyernes.

Dugtong niya, epektibong paglilingkod ito sa publiko sa interactive na pamamaraan at paghimok ng partisipasyon ng iba’t-ibang sektor upang matulungan ang mga nangangailangan.

Sinabi naman nina BBM Tigers president Atty. Lorenzo “Larry” Gadon at founding chairman Albert Dela Cruz Sr. ng Climate Change Commission (CCC), na nais ng kanilang organisasyon na maging “kakaiba” sa pagtulong, lalo na sa gitna ng pag-recover ng bansa mula sa pandemiya ng coronavirus at masasamang epekto ng climate change at global warming.

Itinatag ang naturang brotherhood noong Hunyo 12, 2022 nina Commissioner Dela Cruz at Atty. Gadon na kapwa kilala ang “kapangyarihan” at “impluwensya” ng quad-media convergence sa pagpapalaganap ng pagbabago at repormang magpapabilis sa pag-unlad ng Pilipinas sa darating na panahon.

Binigyang diin nina Aragon, Dela Cruz, at Gadon na nakasuporta rin ang BBM Tigers sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. upang matiyak ang tagumpay ng mga programa at polisiya nito kabilang ang poverty alleviation, economic development, food security at epektibong climate action.

AUTHOR PROFILE