
BATO SANA MADALING MAKITA
DAPAT ipakita ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang parehong sigasig nito sa pagdalo at pagtugon kapag kinakailangan at hindi mamili lang.
Ito ang pahayag ni House committee on overseas workers affairs chairman Jude Acidre ng Tingog Party-list, bilang tugon sa biglaang pagdalo ni Dela Rosa kamakailan sa pagdinig ng Senado na pinamumunuan ni Sen. Imee Marcos, makaraang maglaho ng ilang linggo matapos arestuhin si dating Pangulong Rodrigo R. Duterte kaugnay ng kasong kinakaharap nito sa International Criminal Court (ICC).
“Sana ho maging consistent lang po tayo ‘pag hinanap na po siya sa ibang rason at ibang dahilan, sana madali lang ho din siya makita,” ani Acidre, na siya ring Assistant Majority Leader ng Kamara.
Ang pagdinig sa Senado ay unang pagkakataon na nakita ang senador matapos ang ilang linggong pagkawala, na nagdulot ng mga usapin tungkol sa kanyang pinipiling paglutang, kasabay ng tumataas na interes ng publiko sa kanyang papel sa kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.
Nilinaw ni Acidre na tulad ng ibang mga mambabatas, may karapatan at tungkulin si Dela Rosa na dumalo sa mga opisyal na gawain ng Senado, kahit pa panahon ng kampanya.
“Bilang isang senador, karapatan at tungkulin ni Senator Bato na dumulog sa mga gawain ng Senado,” dagdag niya.
Pinunto din niya na walang legal na hadlang sa ngayon na pumipigil kay Dela Rosa na tuparin ang kanyang mga tungkulin bilang mambabatas, at ikinalugod ang kanyang pagbabalik sa mga sesyon ng Senado.
“Wala pa naman hong pinapalabas na kung anoman asunto o arrest warrant sa kanya kaya mas maganda ho na nakikita natin na nagtatrabaho ang ating mga senador kahit po panahon ng kampanya,” ani Acidre.
Dagdag pa ni Acidre, bagaman naiintindihan na abala ang mga senador na tumatakbo sa darating na halalan, dapat manatili ang pampublikong serbisyo bilang pangunahing prayoridad.
“Alam naman nating kandidato si Senator Bato Dela Rosa,” ani Acidre.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos mabuhay ang isyu kaugnay ng naging papel ni Dela Rosa noong siya ang hepe ng Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng war on drugs campaign ng administrasyong Duterte.
Ang kaparehong isyu ang inimbestigahan ng ICC at nagresulta sa pagpapalabas nito ng warrant of arrest laban kay Duterte, na ngayon ay nakakulong sa The Hague, Netherlands.