Posas

Batang dinukot ipinagkasya sa maleta

August 11, 2023 Zaida I. Delos Reyes 767 views

NAILIGTAS ng mga awtoridad ang batang babae na edad 8-anyos na dinukot at inilagay sa maleta, nitong Huwebes ng gabi sa Mandaue City, Cebu.

Ayon kay Mandaue City Police chief, Police Colonel Jeffrey Caballes, ang biktima ay nagtamo ng mga galos sa katawan dahil posibleng pinilit siyang ipasok sa suitcase o maleta.

“May mga kaunti dahil siguro noong pinasok siya sa bag kaya nagkaroon ng scratches, bruises dito (wrists),” pahayag ni Caballes.

Arestado naman ang suspek na nakilalang si Godiflor Rama, 32-anyos na caretaker ng apartment na tinitirahan ng biktima.

Batay sa inisyal na ulat, dakong 12 ng tanghali nitong Huwebes ay puwersahang dinukot ng suspek ang bata sa Barangay Balikid.

Ang insidente ay iniulat sa pulisya dakong 5 ng hapon, kung kaya’t agad na ikinasa ng Philippine National Police ang follow-up operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.

Sa ngayon, naibalik na ang biktima sa kaniyang mga magulang, habang inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa suspek.