
Basura palit bigas, kape inilunsad sa Pasay
PINANGUNAHAN ni Mayor Emi Calixto-Rubiano ang paglulunsad ng “Trash to Goods Project: Basura Palit Bigas” na naglalayong proteksyunan ang kalikasan Sabado ng umaga sa Pasay City.
Katuwang ng alkalde sa paglulunsad ng proyekto ang mga opisyal at tauhan ng City Environment & Natural Resources Office (CENRO).
Ginanap ang paglulunsad ng programa sa covered court ng Brgy. 194 Pildera II, NAIA Road.
Ayon sa alkalde, isang paraan ang programa para mahikayat ang mga residente na ibukod ang mga nabubulok sa hindi nabubulok na basura.
Kabilang sa mga items na pwedeng ipalit sa mga hindi nabubulok na basura ang bigas, de-lata, noodles, kape, gatas at iba pang pangunahing pangangailangan.
Puwedeng ipunin ang mga naiipong basura na puwede pang maibenta para dumami ang puntos at maipalit ng pangunahing pagkain.
Sinabi ni Mayor Emi na layunin din ng proyekto na hikayatin ang mga residente na lumahok sa aktibong pang-kapaligirang kalinisan.