Barda

BARDA LOVETEAM, BAGONG KATHNIEL

July 6, 2024 Ian F. Fariñas 602 views

HINDI binigo ng Kapuso loveteam na BarDa (Barbie Forteza at David Licauco) ang sangkaterbang fans na nanood ng premiere night ng That Kind of Love sa SM Megamall dahil puno ng kilig moments ang kauna-unahan nilang pagtatambal sa big screen.

Grabe ang tilian at hiyawan ng fans tuwing magdidikit ang mga kamay, mukha o kahit anong parte ng katawan ng magkapareha, lalo na sa eksenang tukaan.

Professional love coach ang trabaho ni Mila (Barbie) habang CEO naman ng isang shipping company si Adam (David). Magsisimula silang maging close nang tulungan ni Mila si Adam na mahanap ang ideal girl niya.

Sa dalas ng pagsasama nila, hindi mamamalayan ni Adam na unti-unti na siyang naiinlab kay Mila and vice-versa.

Actually, very K-drama ang atake ng direktor na si Catherine Camarillo sa mga eksena na ang ilan ay kinunan pa sa iba’t ibang lugar sa South Korea.

Habang nanonood ka, maiisip mo na papasa sila bilang bagong KathNiel (Kathryn Bernardo at Daniel Padilla).

Bongga ‘yung eksenang bigla na lang silang lumipad pa-Korea gamit ang private plane ng pamilya ni Adam. Dahil biglaan, walang dalang damit si Mila kaya naman ipinag-shopping siya ng binata.

Siyempre, kilig-kiligan ang audience sa mala-prinsesang pagtrato ni Adam kay Mila hindi lang sa Korea kundi maging dito sa Manila.

Siguradong marami sa audience ang napa-‘sana all’ habang nanonood nu‘ng gabing ‘yon.

Success nga sina Barbie at David na dalhin sa big screen ang matinding chemistry na unang minahal ng fans sa top-rating serye nilang Maria Clara at Ibarra sa Kapuso network.

At dahil sa maganda at mainit na response sa premiere showing, marami na ang nag-aabang sa muli nilang pagtatambal sa pelikula.

Ang That Kind of Love ang ikalawang offering ng Pocket Media Productions, Incorporation matapos ang maiden project na Chances Are, You and I na pinagbidahan nina Kelvin Miranda at Kira Balinger. Kasama nina Barbie at David sa cast sina Arlene Muhlach, Al Tantay, Jeff Gaitan, Divine Aucina, Ivan Carapiet at Kaila Estrada.

Released at distributed ng Regal Entertainment sa pakikipagtulungan ng Digital Out of Home, Inc., mapapanood na ang That Kind of Love sa mga sinehan simula July 10.

AUTHOR PROFILE