BBM

Barbers: Polisiya ni PBBM vs illegal drugs makatao, mas epektibo

July 25, 2024 People's Tonight 216 views

PINURI ng chairman ng House Committee on Dangerous Drugs ang pinaiiral na bloodless anti-illegal drug campaign ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang bagong pamamaraang ito ay ganap na nagpahinto sa mga pang-aabuso ng mga dating nagpapatupad ng batas kontra sa iligla na droga na nag-aakusa, humahatol, at nagpapatupad ng parusa sa mga pinaghihinalaang drug trafficker, adik, at gumagamit ng ilegal na droga.

Sinabi pa ni Barbers na ang kasalukuyang pamamaraan ng administrasyon laban sa droga ay mas epektibo at makatao. Ayon sa kanya, nakamit nito ang higit pa sa mga inaasahang resulta nang hindi gumagamit ng extra-judicial killings.

“Ang kampanya laban sa droga nuong nakalipas na panahon ay parang “pitik bulag” na naglikha ng maraming mga naulila na pamilya, na ang mga anak o kampag-anak na suspect sa droga ay di ipinasailalim sa batas at hustisya,” ayon sa mambabatas.

Ayon sa mga ulat, sinabi ni Barbers na ang opisyal na bilang ay nagpakita na umabot sa 6,229 na napaslang na drug personalities sa pamamagitan ng extra-judicial killings hanggang noong Marso 2022, habang tinatayang higit sa 20,000 sibilyan ang napatay sa ilalim ng nakaraang administrasyon ayon naman sa tala ng mga human rights group.

Noong 2022, hinimok ng noo’y si outgoing President Rodrigo Duterte ang kaniyang kahaliling si Marcos Jr. na ipagpatuloy ang giyera laban sa droga sa “kanyang sariling paraan,” kung saan idineklara naman ni Marcos Jr. na mas tututukan niya ang pagpigil at rehabilitasyon ng mga nalulong sa droga, at nagsabing “ang pagpatay ay hindi kailanman bahagi ng kanyang plano.”

Sa kaniyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong Lunes, muling ipinahayag ni Pangulong Marcos Jr., ang kanyang polisiya na magpapatuloy siyang susunod at susundin ang umiiral na polisiya laban sa iligal na droga na nakatuon sa ligal at matuwid na paraan na mas makatao at ang pagpaslang ay hindi kailanman bahagi nito.

Pinuri ni Barbers ang kasalukuyang mapayapang kampanya laban sa droga, kung saan naitala 71,500 operations, nakumpiska ang halagang P44 bilyon ng ilegal na droga, at naaresto ang 97,000 na drug personalities, kasama na rito ang higit sa anim na libo na high-value targets. Kasama rin sa mga naaresto ang 440 na empleyado ng gobyerno, 42 ang uniformed personnel, at 77 mga halal na opisyal.

Ibinunyag din ng Pangulo na ang kasalukuyang kampanya laban sa droga ay nagresulta ng freezing of assets ng mga big-time drug traffickers na nagkakahalaga ng higit sa P500 milyon, at conviction rate na 79 porsyento laban sa mga kasong isinampa sa korte para sa iligal na droga.

“On our part at the Lower House, our panel continues, and still continuing to amend Republic Act 9165 or the Dangerous Drugs Act, to refine further and identify its flaws and loopholes, to effectively carry out the government’s anti-drug campaign, particularly against protectors, coddlers and financiers,” ayon pa sa kongresista.

Habang ang gobyerno ay nakatuon sa pag-iwas at rehabilitasyon ng mga pinaghihinalaang drug suspects, hinimok ni Barbers ang mga awtoridad na may kinalaman sa anti-drug operation na mas bigyang-pansin ang pagbawas ng suplay ng droga kaysa sa pagbawas ng demand.

“Yung mga drug addicts o mga gumagamit occasionally ay mahirap pigilan bumili kung available ito sa merkado, lalo na yung mga may pera na kabataan. Kung pipigilan at huhulihin natin ang mga ito, tama, bababa ang demand reduction. Pero kung walang supply, di na natin sila kailangan pigilin at hulihin kasi wala silang mabibili at magagamit,” ayon pa kay Barbers.

Sa isang ulat na ginawa ng US International Narcotics Control Strategy noong 2010, tinatayang ang ilegal na kalakalan ng droga sa Pilipinas ay nasa $6.4 hanggang $8.4 bilyon taun-taon.

Dahil sa geographical location ng bansa, ginagamit ng mga international drug syndicate, na karamihan ay mga miyembro ng Chinese drug triad, ang Pilipinas bilang transit hub para sa ilegal na kalakalan ng droga. Gumagamit sila ng mga local drug syndicate at gang bilang mga “mules” para mag-transport ng droga patungo sa ibang mga bansa.

AUTHOR PROFILE