
Bantag at Zulueta, lumiit lalu ang mundo dahil kay Nartatez
PALIIT na ng paliit ang ginagalawang mundo nina dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at ng kanyang deputy na si Ricardo Zulueta lalu na ngayong nakaupo na bilang Director ng National Capital Region Police Office (NCRPO) P/BGen. Jose Melencio Nartatez.
Hindi kasi matatawaran ang kakayahan ni BGen. Nartatez kung ang pagtugis sa mga wanted na personalidad ang pag-uusapan dahil sa lalim ng kanyang kaalaman sa intelligence gathering lalu na’t bago siya naupo sa bagong posisyon ay naging intelligence chief siya ng Pambansang Kapulisan.
Ang mabigat pa, mismong si Gen. Nartatez ang bubuo o mago-organisa ng mga operatiba na mangunguna sa pagsasagawa ng pagtugis kina Bantag at Zulueta na pinaniniwalaang utak sa karumaldumal na pagpatay sa radio broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa at sa sinasabing middleman na si Cristito Villamor Palana.
Siyempre, magiging katuwang ng NCRPO chief ang apat na District Director ng Metro Manila, sa layuning tugisin sina Bantag at Zulueta kaya tiyak na hindi mangangahas ang dalawa na sumilip man lamang saan mang lugar sa Kamaynilaan.
Kung mapapansin, halos araw-araw ay iniuulat ng kapulisan, hindi lang sa Metro Manila kundi sa iba pang rehiyon, ang matagumpay na pagdakip sa mga Most Wanted Person sa kani-kanilang lungsod at bayan na may nakabimbin ng kaso sa hukuman na nangangahulugan lang na binibigyan nila ng prayoridad ang pagtugis sa mga indibiduwal na wanted sa batas.
Ang isa pa nga pala sa nagpasikip sa mundo nina Bantag at Zulueta ay ang alok na pabuya na P2 milyon para sa ikadarakip ng dating BuCor chief at P1 milyon sa kanyang deputy ng Department of Justice (DOJ). Siyempre, hindi kasali ang kapulisan sa mabibigyan ng pabuya kapag sila ang nakadakip dahil tungkulin talaga nila ang manghuli ng mga wanted persons.
Ngayong si Gen. Nartatez na ang kumukumpas sa NCRPO, hindi malayong mabubulaga na lang tayo ng malaking balita hinggil sa pagkakadakip kina Bantag at Zulueta.
Pambu-bully ng mga parking boys, tutuldukan ni Gen. Andre Dizon
Nakarating na pala sa kaalaman ni Manila Police District (MPD) Director P/BGen. Andre Dizon ang ginagawang panggigipit at pambu-bully ng mga parking boys sa mga dayuhang may mga sasakyan na nagtutungo sa tanggapan ng Bureau of Immigration (BI) sa may Magallanes Drive sa Intramuros kaya nagtalaga na siya ng mga pulis sa naturang lugar.
Gamit kasi bilang paradahan ng sasakyan ng mga dayuhang nagtutungo sa BI ang lansangan ng Magallanes Drive kaya pinuputakti ng mga parking boys ang lugar na puwersahang naniningil ng mula P100 hanggang P200 sa mga pumaparada.
Bago nga raw pumarada, sasabihan kaagad ng mga parking boys kung magkano ang singil at hindi nila papayagang pumarada kapag hindi sumang-ayon sa kanilang sinisingil.
Eto pa, may ilan pang parking boys na ang negosyo ng kanilang pamilya ay maglagay ng carinderia sa bangketa ng Magallanes Drive kaya ganoon kalakas ang loob nilang mam-bully ng mga pumaparada sa lugar.
Katuwiran pa nga nila sa paniningil ng mataas na parking fee ay dahil sa Intramuros Administration daw napupunta ang malaking bahagi ng kanilang nasisingil sa mga pumaparada. Aba, ginamit pa ang tanggapan para pangatuwiranan ang ilegal na paniningil?
Pero ngayong me mga itinalaga ng pulis dito si BGen. Dizon, tiyak na mabibigyan na ng proteksiyon ang mga dayuhan o maging mga Pinoy na may transaksiyon sa BI na hindi ma-bully at mapuwersang magbayad ng napakamahal na parking fee.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]