Default Thumbnail

Bangkay ng 4 pasahero ng Cessna sa Albay, natagpuan na

February 23, 2023 Zaida I. Delos Reyes 380 views

NATAGPUAN na ang katawan ng apat na pasahero ng Cessna plane na naiulat na nawawala nitong nakalipas na Sabado sa Bicol.

Ayon kay Camalig, Albay Mayor Carlos Baldo, ang mga bangkay ay natagpuan malapit sa wreckage ng eroplano na malapit sa crater ng Mayon Volcano.

Dahil sa pagkakadiskubre ng mga katawan ng biktima ay inilipat na sa retrieval mula sa dating “search and rescue” ang operasyon ng mga awtoridad.

“Natagpuan na po ‘yung apat na sakay ng eroplanong bumagsak po doon sa may crater ng Mayon, sa ngayon po retrieval na lang po kami,” pahayag ng alkalde.

Sa ngayon aniya, ang pinakapinagtutuunan nila ng pansin ay kung paano makukuha ang mga bangkay dahil mahirap bumaba malapit sa crater dahil itinuturing itong delikado ang daan patungo dito.

Kung makukuha ang mga bangkay ay dadalhin sila sa paanan ng bundok upang madaling malapagan ng anumang uri ng aircraft.

Matatandaang nitong nakalipas na Sabado ay nawalan ng contact ang Bicol Internationa Airport air traffic controllers sa Cessna 340 plane.

Umalis ang Cessna 340 Caravan aircraft na may registry number RP-C2080 sa Bicol International Airport dakong 6:43 ng umaga.

Inaasahang lalapag ang eroplano sa Manila dakong 7:53 ng umaga subalit hindi ito nangyari.

Kabilang sa mga nasawi sina Captain Rufino James Crisostomo Jr., Joel G. Martin, Simon Chipperfield, at Karthi Santhanam.