
Bangis ni General Acorda ang kailangan
PALAGI naman tayong positibo kapag may mga bagong naitatalagang Chief PNP.
Hindi naman puwedeng kauumpisa pa lamang ay nakabusangot na lahat tayo, lalo na’t hindi naman natin alam kung hanggang saan ang kapasidad ng mga nahihirang sa pinakamataas na posisyon sa pambansang pulisya.
Sa pagkakatalaga kay Maj. General Benjamin Acorda, Jr. bilang bagong Chief PNP, nabigyan ng bagong pag-asa ang ating mga kababayan mula sa sangkatutak na krimen na sumalubong kay retired General Azurin bukod pa ang buntot na isyu ng P6.7 billion drugs at coverup sa pagkupit ng 42 kilos mula sa 990 kilos na nakumpiska sa sarhentong parak! Sakit sa tainga di po ba? Sarhento!
Maraming kalat ang PNP amimin o hindi ni General Azurin kaya kailangan ni General Acorda ng malaking walis para malinis ang mga responsable sa pagsasalaula sa ating mga pulis. Hindi rin natin masisi si Azurin kung mahirap supilin ang mga kriminal na nasa 228,000 PNP members.
Iyon ngang lima ang anak mo na kasama mo pa sa bahay ay hindi mo tiyak na lalaking matino ang lahat ng mga yan, iyon po kayang mahigit dalawang daang libong pulis?
Pero malaking factor kung mabangis ang nagiging Chief PNP dahil puwede niyang sagpangin sa leeg ang mga bugok na pulis.
Sa bahagi ni General Acorda, mukhang may paglalagyan ang mga scalawag dahil mukha man itong mabait, aba’y iba ang karakter ng heneral na ito.
Bilang dating aid de camp pala ni yumaong Chief PNP General Leandro Mendoza, iba ang training ni Acorda. Malapit tayo kay General Mendoza kaya alam natin ang karakter ng mga taong nasanay sa kanyang liderato.
Batikang Intelligence officer si Acorda kaya kung pagkaliskis lang sa mga pulis ang usapan, mukhang kailangan nang magtago ng mga tiwali sa PNP.
Kung nakasama pala ni General Mendoza si General Acorda, ibig sabihin, posibleng malapit din ang bagong Chief PNP kay General Carding Dapat na isang ring intelligence officer.
Iba ang tambalan nila Mendoza at Dapat kaya tiyak na hindi lalayo ang bangis ni General Acorda sa mga ito.
Gusto nating makita si General Acorda na may hawak ng baseball bat na handang ihataw sa mga loko sa ating mga pulis. Masama ang naging pasok ng buong termino ni Azurin sa PNP kaya umaasa tayong magiging agresibo ang bagong Chif PNP para linisin ang mga kalat kahit hanggang Disyembre lang ang kanyang tour of duty.
Iyong hinahon ng speech ni General Acorda, tiyak tayo na may nakatagong bagsik para gulatin ang mga pulis na sumira sa kanilang mga uniporme at tsapa!