
BAN SA BASTOS NA KAMPANYA SINUPORTAHAN
NAGPAHAYAG ng suporta si House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong sa Commission on Elections (Comelec) sa ginawa nitong pagpapalabas ng show-cause order sa mga kandidatong inirereklamo dahil sa paggamit ng malaswa at sexist language sa pangangampanya.
Ayon kay Adiong isa itong malaking hakbang upang mapanatili ang kaayusan at pananagutan sa pampublikong diskurso.
Sa isang press briefing sa House of Representatives, sinabi ni Adiong na kanyang ikinagagalak ang hakbang ng Comelec dahil ito ay nagsisilbing matibay na paalala sa lahat ng kandidato na ang kalayaan sa pagpapahayag sa pulitika ay palaging may kaakibat ng paggalang at disenteng asal—lalo na kapag ang usapin ay tungkol sa kababaihan at mga sektor na nasa laylayan ng lipunan.
“Ako personally, sinusuportahan ko and I would like to commend the Commission on Elections for coming up with this bold step in disciplining, if I should say no, the candidates running for this election, ‘yung pag-adopt nila ng anti-discrimination and fair campaign resolution,” ayon kay Adiong.
Dagdag pa niya, bagama’t pinapayagan ng batas ang negative campaigning, hindi ito dapat humantong sa diskriminasyon o pang-aalipusta.
“Allowed naman under the electoral, election omnibus code yung sinasabi nilang negative campaigning and this has been explained by Chairman George Garcia of Comelec. But if you want to attack a certain candidate or a certain adversary in a political position, you should not use something that would touch the sensitivity of a certain group of people,” paliwanag niya.
Kamakailan, nagpalabas ang Comelec ng show-cause order laban kay Davao de Oro Representative Ruwel Peter Gonzaga matapos siyang makuhanan sa video na gumagawa ng malaswa at mapanirang-puring pahayag sa isang political rally. Ang naturang video ay umani ng matinding batikos mula sa publiko, mga grupo ng kababaihan, at ilang mambabatas.
Nauna nang nagpalabas ng show-cause orders ang Comelec kina reelectionist Misamis Oriental Governor Peter Unabia, Mataas na Kahoy Vice Mayor at Batangas gubernatorial candidate Jay Ilagan, Nueva Ecija gubernatorial candidate Virgilio Bote, at Pasig City lone district representative aspirant Ian Sia.
Binigyang-diin ni Adiong ang kahalagahan ng pagpapanatili ng disente at maayos na diskurso sa publiko, lalo na para sa mga naghahangad ng posisyon sa gobyerno.
“So dapat nga tayo, we always have to maintain decency in public discourses, especially if you’re elected, especially if you’re seeking a political position. Kasi, ehemplo nga tayo eh. We are supposed to be the role models in our community,” ayon pa kay Adiong.
Hinimok din ng mambabatas ang mga kandidato na maging sensitibo at maingat sa kanilang mga pahayag upang hindi makasakit o makapagpababa ng dignidad ng ibang tao.
“We should at least be sensitive enough to, and be circumspect in dealing with the campaign speeches and campaign remarks that will not belittle a group of people, but actually demeans the humanity of a certain individual,” dagdag pa niya.
Ayon kay Adiong, hindi dapat palampasin ang mga pananalitang nananakit o nagpapahiya sa kapwa.
“Hindi na dapat din natin hayaan na maging, ang pananalita ng bawat isa ay hindi lang nakakasakit sa isang indibidwal pero nakaka-demean at nakaka-dehumanize sa isang grupo ng tao… sa isang mga sektor sa ating lipunan,” ani Adiong.
Ipinaliwanag din niya na ang ginagawa ng Comelec ay pagbibigay ng due process sa mga kandidato upang maipaliwanag nila ang kanilang panig.
“Again, the Comelec is just giving them the due process. Because show-cause order would provide them the time to explain themselves… they come out in the public saying all of those things,” ayon pa sa kongresista mula sa Mindanao.
Umaasa si Adiong na wala nang madagdag pa sa mga kandidatong padadalhan ng show-cause orders.
“So I hope hindi na madagdagan yung numero na iyan. The last time I checked on the news, I think nasa mga apat o lima na sila na nabigyan ng show cause order,” aniya.
Nang tanungin kung sinusuportahan niya ang panukala ni Gabriela Rep. Arlene Brosas na diskwalipikahin ang mga kandidatong gumagamit ng seksista o misogynistic na pananalita, sinabi ni Adiong na may umiiral nang mekanismo ang Comelec para sa mga ganitong kaso.
“Mayroon namang mekanismo naman ngayon ang Comelec, ang commission, to cite that specific example as a ground for disqualification,” saad pa ni Adiong.
Dagdag pa niya, ang show-cause order ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga kandidato na ipaliwanag ang kanilang panig bago magdesisyon ang Comelec kung itutuloy ang disqualification.
“I believe the reason for the show-cause order is for the candidates to also explain their side. Whether or not Comelec has to proceed with filing a disqualification, because the Comelec as a regulatory commission can do in moto propio those kind of penalties,” paliwanag ni Adiong.
Binigyang-diin din niya na bukod sa karapatan ng mga kandidato na tumakbo sa posisyon, may karapatan din ang mga botante na tratuhin nang may dignidad at magkaroon ng pagkakataong gumawa ng matalinong desisyon.
“Hindi ho dapat tayo doon nakikipag-diskurso sa level ng kasarian ng tao, sa level ng paniniwala ng tao, but to what can we provide to our community to better the services of the government,” aniya.
“We should maintain… discourse sa public spaces na hindi tayo makakasakit sa grupo ng tao,” dagdag pa ni Adiong.
“Dapat po isa-isipan po nating mga kandidato na may karapatan din po ng ating mga electorate… they will also be equipped with a well-informed decision.”