
Bamboo industry gusto palaguin ni Villar
UMAASA si Sen. Cynthia Villar na malaki ang maitutulong ng paggamit ng bamboo bilang textile sa local textile industry at sa pag-unlad sa kanayunan.
Sa kanyang speech sa “KAWAYARN: A Bamboo Textile Ph Launch” sa Manila Hotel, tinagubilinan ni Villar ang PhilFida at DOST-Philippine Textile Research Institute (PTRI) na pangunahan ang pagpapalaganap ng kawayan dahil sa mahalaga nitong papel sa textile industry.
Tinukoy ni Villar na may 35 percent ang nakukuhang fiber sa bamboo kumpara sa ibang pinagkukunan ng fiber na mayroon lamang 2 percent.
Inihayag ng chairperson ng Senate committee on agriculture na maraming kawayan sa buong bansa kaya maganda itong kukunan ng textile fiber.
Ginagamit ang teknolohiyang ito sa natural extraction ng iba’t-ibang uri ng kawayan sa Pilipinas gaya ng kawayan tinik, bolo at yellow bamboo.
May tatlong Bamboo Textile Fiber (BTF) Innovation hubs ang PTRI sa Maragondon, Cavite; Naguillan, La Union at Cauayan, Isabela. Tatlo pa ang itatayo hanggang 2024.
Sinabi ni Villar na ginagamit ang bamboo fibers sa tela at home textile.
Para sa nonwovens, gamit din ito sa paggawa ng bag at sapatos.
“The raw Bamboo Textile Fiber is priced at about P250 per kilogram compared to about P10 per kilogram of bamboo,” ani Villar.
Sanhi nito, nanawagan siya sa concerned government agencies na suportahan ang local fiber industry.