
Bakit dalawa ang Liga ng mga Barangay sa San Pedro?
ANO na ba ang nangyayari sa San Pedro, Laguna?
Ito talaga ang pintuan papasok at palabas ng Metro Manila sa Southern part na sa mahabang panahon ay nanguna sa kaunlaran sa lalawigan mula sa pa ating kamusmusan.
Pero ngayon, siya na ang kulelat economically. Naungusan na ng Sta Rosa at ng Binan gayong dati-rati ay inilalampaso lang ng San Pedro ang mga ito.
Maraming mga mamamayan ng San Pedro ang mistulang mga “transient residents” —iyong tipong umuuwi lang sa bayan nila para matulog pero luluwas ng National Capital Region para magtrabaho. Ang dahilan, hindi umuusad ang kanilang bayan, wala silang makitang hanapbuhay at walang katiyakan kung ano ang kanilang magiging kinabukasan kung tutunganga lang sila doon at maghihintay ng hanapbuhay mula sa kanilang kinagisnang bayan. Kaya pala binansagan silang “dormitory town” dahil nga tulugan lang ng mga mamamayan.
Malaking hamon sa mga lider at mga magiging lider ng San Pedro ang hinaing ng mga mamamayan diyan laban sa malnoris nilang ekonomiya.
Noong 2013 Financial Report ng Commission on Audit, nasa P2.3 billion na ang annual income ng Sta Rosa pero umabot na pala ito sa P5 billion sa 2023. Ang Binan na nakilala noong una sa puto ay nasa P1.5B ang annual income noong 2016. Noong 2022, nasa P3.5 billion na pala ang annual income nila.
Ang San Pedro, nasa P900 million na siya noong 2016 subalit makalipas ang halos isang dekada, nasa P1.5B pa rin ang annual income nila batay sa 2021 audit report. Ibig sabihin, hindi gaanong umusad ang mga negosyo at industrialisasyon sa San Pedro kaya marami pa rin sa kanilang mga mamamayan ang jobless or kung may trabaho man, doon sa Maynila pumapasok.
Ramdam ito ng kanilang mga mamayan na uhaw sa opurtunidad. Umaasa tayong sa mga susunod na panahon ay mas mabilis na babangon ang San Pedro sa tulong ng mga sisibol na bagong lider dyan.
***
Speaking of San Pedro, totoo ba ang dumating sa ating impormasyon na dalawa ang set of officers ng Liga ng mga Barangay dyan?
Noong unang General Assembly, 15 out of 27 barangay chairmen ang dumating kaya nagkaroon ng eleksiyon dahil may quorum naman.
Nagkaroon din ng panibagong meeting pero 13 of 27 lang umano ang dumalo kaya wala naman quorum. May binabanggit na nagkasakit ang isang kapitan kaya isang kagawad ang humalili para bumoto kaya nagkaroon ng eleksiyon.
Tanong, puwede bang mag-proxy ang kagawad sa absent na kapitan para lang magkaroon ng quorum?
Legally speaking, mukhang hindi balido ang pangalawang assembly dahil sa kawalan ng quorum.
Kailangan sigurong makialam dito ang DILG para madertimina kung sino ang tunay na Liga.
Yan ang sinasabi ko sa San Pedro, kaya hindi sila makasulong dahil sa mga ganitong paraan ng pulitika na hindi maganda sa panlasa ng mga mamamayan.