Marlon

Baha, basura at flood control

July 25, 2024 Marlon Purification 456 views

KAMAKAILAN lang ay naglabas tayo ng artikulo hinggil sa paghahanda sa La Nina.

True enough, naperwisyo na naman ang ating mga kababayan hindi lamang sa Metro Manila kundi sa ilan pang probinsiyan sa Luzon region.

Likha ito ng Super Typhoon Carina na may dala pang hanging habagat.

Kitang-kita są mga naglalabasan sa social media ang matinding pananalanta ng bagyo kung saan ay hindi lamang mga ari-arian, kotse at kabahayan ang nasira at nawasak.

Wala pa rito ang bilang ng mga nasawi at nasaktan likha ng napakalakas na bagyo.

Kung mapapansin, nasa letrang C as in Carina pa lamang tayo sa pangalan ng bagyo at asahan pang maraming bagyo ang darating pa sa Pilipinas.

Kaya ayaw natin at sa gusto, muli itong mamemerwisyo sa ating lahat hanggang sa darating na buwan ng Disyembre — o bago muli pumasok ang taong 2025.

At tulad ng dati, taun-taon ang mga problemang ito dahil hanggang ngayon ay wala tayong nakikitang komprehensibong solusyon upang maibsan ang suliranin są baha.

Dala ito ng kakulangan sa flood control, dredging sa mga ilog, kanal, imburnal, mga informal settlers at malalaking establishments na nakaharang sa lagusan ng tubig baha patungong Manila Bay at siyempre ang hindi pa rin maayos ayos na pagtatapon ng basura.

Very basic ang ‘segregation scheme’ patungkol sa basura. Ihiwalay ang mga nabubulok sa hindi nabubulok, gayundin ang mga recyclable na itinatapong bagay.

Pero dahil katigasan ng ulo ng ating mga kababayan, palpak at hanggang ngayon ay hindi napapatupad ang segregation scheme ng basura sa Pilipinas.

Sa nangyaring pananalanta ng Super Bagyong Carina, asahang may magbibida na naman para magsagawa ng imbestigasyon.

Harinaway sa mga panahong ito ay matututo na tayong lahat pati mismo sa ating mga sarili hanggang sa ating loob na kabahayan.