Chiz Escuder

Bagong Senate prexy Chiz: Palasyo walang kamay dito

May 20, 2024 PS Jun M. Sarmiento 112 views

“Walang kamay ang Malacañang!”

Ito ang mariing pahayag ng bagong halal na Pangulo ng Senado na si Sen. Francis “Chiz” Escudero, matapos siyang iboto ng mayorya sa mataas na kapulungan.

Si Escudero na nakakuha ng 14 na boto ay pormal na pinalitan ang dating pangulo ng senado na si Sen. Juan Miguel Zubiri na kusang loob namang bumaba sa kanyang posisyon, matapos pormal na inomina ni Sen. Alan Peter Cayetano ang dating gobernador ng Sorsogon bilang kapalit ni Zubiri.

Ang mga sinasabing pormal na bumoto sa pagpapatalsik kay Zubiri ay sina Senators Jose Jinggoy Estrada, Francis Tolentino, Alan Peter Cayetano, Pilar Pia Cayetano, ang mag-inang sina Cynthia at Mark Villar, Christopher Bong Go, Imee Marcos, Robinhood Padilla, Lito Lapid, Grace Poe, Nancy Binay at Raffy Tulfo.

Inilarawan ni Cayetano si Escudero na may matatag na paninindigan sa kanyang tungkulin at may tunay na liderato na makikita aniya ng sinuman simula’t sapul na pumasok siya sa larangan ng serbisyo publiko.

Si Escudero na sinamahan ng kanyang maybahay na si actress Heart Evangelista sa kanyang panunumpa ay taos-pusong tinanggap ang pagtitiwalang ipinagkaloob sa kanya ng kanyang mga kasama sa Senado sa gitna ng plenaryo at sa harap ng 23 na senador, matapos na walang isa man sa mga ito na nagpahayag ng anumang protesta sa kanyang pagkakahalal.

“Hindi ako naniniwala hangga’t pormal na akong pinanumpa bilang pinuno ng Senado,” pagamin ni Escudero sa isang press conference.

Sa naunang press conference, matapos siyang pababain sa kanyang posisyon bilang pangulo ng senado, inamin ni Zubiri na sobrang sakit aniya ang kanyang pagkakatanggal dahil sa ilan sa mga nagsabing solido ang kanilang suporta ay sila pang nanguna sa pagpapatalsik sa kanya.

Gayunman, taos-puso niyang tinanggap ito at kusang loob niyang ibinigay ang kagustuhan ng mayorya sa Senado na bumaba siya at palitan na nga ni Escudero, ani Zubiri.

“This is the consequence of my being independent. I am happy to step down,” dagdag ni Zubiri.

Sinabi ni Escudero na lubos siyang nagpapasalamat sa oportunidad na ito lalo’t ang bansa ay kasalukuyang humaharap sa maraming pagsubok.

Nanawagan din si Escudero na isantabi ang politika at maghawak kamay at hawak bisig aniya ang bawat Pilipino gayundin silang mga senador para mapagsilbihan ang sambayanan Pilipino.

“Ang naghalal po sa aking ay ang taumbayan. Ang boses ng sambayanan ang dapat po natin pakinggan. Bumoto po kami ayon sa aming paniniwala at konsensya. Huwag na po natin dagdagan ng asin ang sugat na nilikha ng pagpapalit ng liderato dito sa Senado. Ito ang panahon para magtulungan ang bawat isa sa amin,” giit ni Escudero.

Gayunman ay pinapurihan pa rin ni Escudero si Zubiri sa kanyang mga kontribusyon at hindi aniya matatawaran ang mga nagawa nito para sa bayan.

“Sa totoo lang po ay hiningi ko rin ang pagalalay ni Sen. Zubiri sa mga dapat naming ayusin at pagtulungan. Bago pa man mangyari ito, kaninang umaga ay sinabihan ko rin naman siya na umaligid-aligid na lang din muna siya,” paglalahad pa ni Escudero.

Tahasan din niyang itinanggi na ang kamay ng administrasyong Marcos ang nasa likod ng kanyang pagkakaupo bilang kapalit ni Zubiri, kung saan ay sinabi niyang mas malapit pa siya sa namatay na dating Pangulong Noynoy Aquino kaysa sa kasalukuyang administrasyon.

“Sa totoo lamang ay mas malapit ako kay dating Pangulong Noynoy Aquino. Hindi sa kasalukuyang administrasyon. Ngunit kahit noong panahon na ‘yun na nakaupo si Pangulong Aquino at talagang malapit kami sa isa’t isa ay hindi ako naimpluwensiyahan. My priority is my present job as the new Senate President. Ang sinomang naninilbihan ay dapat isantabi ang emosyon at pansariling kapakanan. Ang bandila ng Pilipinas at kapakanan ng taumbayan ang prayoridad at dapat bigyan namin ng halaga bilang mga lingkod bayan,” ani Escudero.

Kumpiyansa rin si Escudero na magkakatulungan pa rin sila ni Zubiri sa mga importanteng bagay kung saan ay pinuri niya ang senador mula sa Bukidnon dahil sa dedikasyon nito sa bayan.

“Hindi matatawaran ang kagalingan at ipinakitang dedikasyon ni Senador Zubiri sa ating bayan,” giit ni Escudero na nagsabing matatapos nila ang mga importanteng batas bago pa man ang nakatakdang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Bago pa man ay umugong na ang sinasabi reorganisasyon sa senado kung saan ay nagkaroon pa ng loyalty check si Zubiri sa kanyang mga kasama. Ikinakabit ang pagpapalit ng liderato ng Senado sa ginagawang imbestigasyon ng komite ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa diumano’y Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) leak na itinanggi naman ni Escudero.

“Independent po ang Senado. Ito ay desisyon ng mayorya at boses ng aming mga konsensya ang mananaig dito,” giit ni Escudero.

Gayunman, pinaliwanag ni Escudero na sadyang wala na sa lugar ang ginagawa ni Dela Rosa sa kanyang motu proprio investigation sa pagtalakay nito sa nasabing isyu.

“Motu proprio ay limitado. Hindi maaaring iiwan mo lamang sa iisang tao ang pagpapasiya kung sinong komite ang hahawak nito. Kung susundin ang tamang procedure at kaugalian dito ay dapat maghain ng resolusyon at ang nakakaraming senador ang siyang magdedesisyon kung anong komite ang hahawak dito,” paliwanag ni Escudero.

“For now, magtrabaho na po muna tayo at iwaksi muna ang mga pagtatalo. Kailangan tayo ng mamamayan Pilipino,” giit nito.

Samantala, ang bagong halal na majorty leader ng Senado ay si Sen. Francis Tolentino na pinalitan naman si Sen. Joel Villanueva, Pro Tempore naman si Sen. Jose Jinggoy Estrada na pinalitan si Sen. Loren Legarda at si Sen. Alan Peter Cayetano naman ang bagong hahawak ng makapangyarihang Senate Blue Ribbon Committee na dating hawak ng kapatid na si Sen. Pia Cayetano.