
Bagong modus ng mga scammer inilantad
INILANTAD ng nangungunang finance application ng bansa na GCash ang bagong modus operandi ng mga scammer na tinatawag na “Screen Share,” “Video Share,” at “Shoulder Surfing” scams.
Pinaalalahanan ng GCash ang publiko na mag-ingat at maging mapagmatyag bago gumawa ng anumang transaksyon. Ang nasabing scams ay bagong uri ng social engineering tactics o panloloko upang makuha ng mga scammer ang MPIN at OTP ng mga user.
Ayon sa GCash, ito ay karaniwang nabibiktima ang mga sari-sari store owner kung saan inuudyok ng mga scammer ang mga ito na ipakita ang screen ng kanilang mobile phones.
Ang “screen share” at “video share scams” ay nangyayari sa mga social messaging apps kung saan nililinlang ng mga scammer na ipakita ng users o sari-sari store owners ang kanilang mobile phones habang gumagawa ng transaksyon upang makuha nila ang MPIN at OTP ng mga ito.
“Shoulder surfing” naman ang tawag kapag sinasadyang silipin ng mga scammers ang screen ng mobile phones ng users o owners habang ginagawa ang online bank o e-wallet transaction.
Sinabi ng GCash na importanteng malaman ng publiko lalo na ng mga nagnenegosyo tulad ng sari-sari store owners kung ano ang mga scam na ito upang mapaigting ang kanilang pag-iingat.
“Alamin po natin ang mga bagong modus para hindi tayo mabiktima. Never share your MPIN, OTP, at siguruhin na walang nakakakita sa screen ng ating mobile phones tuwing gagawa ng transaksyon. Awareness ang panlaban natin sa mga scammers,” sabi ng GCash.
Pinalawak pa ng GCash ang kanilang paalala sa mga users na huwag i-share ang kanilang MPIN at OTP, iwasang mag-click ng mga kahina-hinalang link, at huwag ipakita ang screen ng kanilang mobile phone habang gumagawa ng online transactions.
Kasabay nito, patuloy na nakikipagtulungan ang GCash sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) upang labanan ang cybercrimes gaya ng scams at fraud. Hinihikayat din nila ang publiko na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang insidente ng panloloko.
Sa patuloy na pagpapalakas ng kanilang adbokasiya, layunin ng GCash na maisakatuparan ang misyon nitong “Finance for All” at makapagtatag ng isang inklusibo at ligtas na financial ecosystem sa Pilipinas.
Para sa iba pang impormasyon, bisitahin ang https://www.gcash.com