LTO Dumalo sina DOTr Sec. Art Tugade (pangalawa sa kaliwa), Parañaque City Mayor Edwin Olivares, at LTO Chief Edgar Galvante sa ribbon cutting ceremony para sa pormal na pagbubukas ng pinakabagong Driver’s Licensing Renewal Office (DLRO) sa loob ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), Paranaque City. Kuha ni Jun I. Legaspi

Bagong LTO licensing office sa PITX, inilunsad

February 24, 2022 Jun I. Legaspi 1070 views

PORMAL na binuksan ng Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Office (LTO) at Paranaque Local Government ang pinakabagong licensing office sa Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX), Parañaque City.

Pinangunahan nina DOTr Secretary Art Tugade, LTO Chief Edgar Galvante, LTO-NCR-West Director Atty. Clarence Guinto, at Parañaque Mayor Edwin Olivares ang ribbon cutting para sa pormal na operations ng pag-iisyu ng mga driver’s license, renewal, student’s permits, at iba pang serbisyo kaugnay sa mga sasakayan.

Ang (PITX) Driving Licensing Renewal Office (DLRO) ang pinakabago at pinakamalaking LTO-Licensing Office na nasa loob ng mall, kung saan nandun din sa mall ang accredited Mocz Driving School at 28JG Medical Services, ayon sa pamunuan ng ahensiya.

“May ibinigay na malawak, malapad, with complete safety measures ang (PITX) management para sa mga mag-aaral ng actual driving at mga seminars to ensure one-on-one makikita at mababantayan ang lahat ng kukuha ng actual driving at written examination,” saad ng LTO leadership.

Nasa gabay din ng mga professional driving expert examiners at medical doctors ang nasabing mga accredited driving school at medical services.

Ayon pa kay LTO-NCR-West Dir. Chuck Guinto, nagbibigay din ng special services “exclusive” sa mga OFW on the go at mga travelers pauwi ng probinsiya kung saan within 30 minutes ay makakapag-renew sila ng kanilang mga driver’s licenses.

“Special lanes ito para sa mga OFW at on-the-go na mga travelers na kailangan ng bumiyahe agad agad,” saad ni Guinto.

“Ito ay One-Stop-Shop, dedicated para sa mga biyahero, nagtratrabaho, nagbibiyahe, businessmen, at pwede rin sa mga namamasyal, upang higit na ilapit ang gobyerno sa publiko,” saad ni Guinto.

Ayon kay Guinto ang konsepto nito ay ayon sa gabay at tagubilin na ibinigay ni Sec. Tugade at LTO Chief Galvante ibigay sa publiko ang tamang serbisyo, komportable o maaliwalas, mabilis, at hindi nahihirapan.

Samantala isa naman si Dematera Elvin Sy, ng Marikina sa unang 20 kliyente ng LTO ang nakinabang sa 10 minutes processing na pag-renew ng kanyang non-professional license. Ayon kay Sy, maayos, malamig at accommodating ang lahat ng empleyado.

AUTHOR PROFILE