Magi

Bagong Lipunan na may konsiderasyon sa kapwa

June 22, 2024 Magi Gunigundo 124 views

IBIGIN mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili-Levitico 19:18 at Lucas 10:27

Ang lipunan ng mga taong makikinis angkilos ay may pagsasaalang-alang sa kapwa,at sa kalikasan. Ang makinis na kilos ay nagpapakita ng konsiderasyon sa kapakanan ng kapwa at ito ay nagpapadali sa bigat ng pang-araw-araw na pamumuhay ng tao. Ang pundasyon ng etika ng pagsasaalang-alang sa kapwa ay pangkaraniwang kagandahang-loob. Ngunit tulad ng sentido komun, ang pangkaraniwang kagandahang-loob ay tila hindi karaniwan sa lipunang Pilipino sa kasalukuyan.

Ang salitang “konsiderasyon” ay kilos na sadyang pinag-aralan na may pagsasaalang -alang sa kapakanan ng iba. Ginagamit ang isip, hindi emosyon, bago gawin ang isang bagay. Samakatuwid hindi padaskul-daskol at maingat ang gawi para hindi makasaling ng iba. Ang isang sinadyang gawa o pagkikibit-balikat, bagamat walang malisyang puminsala, na nakapinsala sa iba na sinangkapan ng hindi maipagpapaumanhin na kawalan ng pag-iingat, ay isang krimen na pinaparusahan ng batas( Article 365,Revised Penal Code).

Samantala, ang salitang “walang konsiderasyon” ay walang pakialam at pagsasawalang bahala sa kapakanan ng iba. Ang konsepto ng kawalan ng konsiderasyon ay bunga ng pagkamakasarili, sabi ni Natalie Dattilo, PhD, isang clinical psychologist sa Harvard Medical School.

Maraming Pilipino ang walang konsiderasyon sa kapwa. Ang hinuhang ito ay suportado ng pagiging kulelat ng batang Pilipino sa 2022 PISA sa “creative thinking.”

Araw-araw nating napagmamasdan ang sandamakmak na kamote draybers ng motorsiklo, jeepney, taxi, UV express at bus na nagmamanehong para bang sila langang may karapatang gumamit sa kakaunting espasyo sa kalsada. Hindi sila gumagamit ng mga senyas kung kakaliwa o kakanan. Singit ng singit at kung masagi, sila pa ang galit. Nakatingin sa ibang dako ang mga tauhan ng MMDA at LGU sa mga iligal na terminal ng jeep sa EDSA, MacArthur Hiway at Samson Road sa Caloocan City na nagpapabagal ng daloy ng trapiko sa Monumento Circle. Ang mga tumatawid naman sa pedestrian lane ay daig pa ang may kapansanan sa kupad sa paglalakad.

Maririnig ang walang konsiderasyon ng mga nagkakaraoke kahit lampas hatinggabi. Kung walang ordinansa ang lokal na pamahalaan, ang kasiyahan ay hindi mapipigilin dahil ang selebrasyon ay minsan lang daw mangyari at hindi dapat pagkaitan ng kasiyahan na pumiperwisyo sa kapitbahay na hindi makatulog sa ingay.

Maaamoy ang walang konsiderasyon sa basurang hindi niresiklo, at sa mga kubeta na walang poso negro. At kung walang nakatingin, tinatapon ang basura sa mga ilog at estero. Maging sa mga kainan ng fast food, hindi nililigpit ang pinagkainan na dapat ay sinusuksok sa recycling bin na bahagi ng konseptong Clean as You Go o CLAYGO. Ang alagang aso ay hinahayaan umihi at dumumi sa kalsada o sa tapat ng bahay ng kapitbahay.

Para sa maraming tao, ang pagiging makasarili ay natutunan sa pagkabata,sabi ni Dattilo. Ang mga taong lumaki na walang magulang ay maaaring mas malamang na magkaroon ng walang pag-iingat na pag-uugali, sabi ni Natalie Jambazian, isang lisensyadong family therapist sa Amerika. At kung minsan, sabi ni Jambazian, “ang kawalan ng konsiderasyon ay nagmumula sa simpleng kawalan ng tiwala sa sarili bilang isang mekanismo ng pagtatanggol o bilang isang paraan upang makayanan ang kanilang mga kawalan ng kapanatagan.” Bagamat wala pang pagsasaliksik dito, ang aking teorya ay maaaring kasama sa tinutukoy ni Jambazian ang mga anak ng
8 milyong OFW na lumaking walang magulang.

Hindi nakapagtataka ang mga tanong ni Cielito Habaito: 1) tayong mga Pilipino ba, sa pangkalahatan, ay mas makasarili kaysa sa ibang mga Asyano? 2)Ito ba ay isang kapintasan sa ating kultura na pumipigil sa pag-unlad ng ating bansa? 3) Magbabago pa ba ang ating tila nakaugat na pagkamakasarili at kawalan ng pagpapahalaga sa kabutihang panlahatan? 4) Tuluy-tuloy na ba tayong hinahatulan na isang “damaged culture” (James Fallows,The Atlantic, 1987)?

Pinapayo natin sa susunod na Kalihim ng Edukasyon na tutukan ang mga hakbang upang tayo ay magkaroon ng bagong lipunan na may konsiderasyon sa kapwa na katangian ng isang bansang kristiyano.

AUTHOR PROFILE