
BAGONG KASO UMAWRA MULI KAY AWRA
PANIBAGONG kaso ang haharapin ng actor-comedian na si McNeal Briguela na kilala bilang si Awra Briguela, matapos na ireklamo ng kasong kriminal sa Makati City Prosecutor’s Office.
Isinampa ni Mark Christian Ravana ang mga kasong light threats, grave coercion at paglabag sa Republic Act 11313, o ang Safe Space Act, laban kay Briguela kaugnay sa nangyaring rambulan noong madaling araw ng Hunyo 29, 2023, sa loob at labas ng The Bolthole Bar sa Gen. Luna Street, Barangay Poblacion, na nagresulta sa pagkakadakip sa nagwalang aktor.
Paliwanag ng abogado ni Ravana na si Atty. Nick Nangit, hiwalay na kaso ito sa unang isinampa ng pulisya sa aktor na nangyari sa labas ng bar, matapos niyang laitin at pagmumurahin umano ang mga nagrespondeng pulis at nanlaban pa nang arestuhin.
Kasong slight physical injuries at simple disrespect of public officials ang unang isinampa ng pulisya laban kay Briguela matapos siyang arestuhin at nakalaya lamang nang maglagak ng piyansa.
Ang reklamo aniya nilang isinampa ay ang nangyari naman sa loob ng bar, tulad ng pagpipilit ng aktor na ipahubad kay Ravana ang suot na damit, pagsasara ng pintuan sa ikatlong palapag upang hindi makababa ang kanyang kliyente at paghila sa damit na dahilan ng pagkasira nito.
Sinabi ni Nangit na nakatakda ang pagdinig sa naturang usapin anumang araw nitong Agosto.