Bagatsing Makikita sina Raymond Bagatsing III at Pablo Chikee Ocampo matapos na personal na magfile ng kanilang COC para sa kandidatura sa Mayor at VM sa lungsod ng Maynila. Kuha ni JONJON C. REYES

Bagatsing, Ocampo naghain ng COC bilang mayor, VM ng Maynila

October 9, 2024 Jonjon Reyes 377 views

ILANG minuto bago matapos ang huling araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) sa satellite office ng comelec sa SM Manila, naghain ng kandidatura ang mga kinatawan ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) sa pagka-alkalde at bise-alkalde ng kabisera ng bansa.

Pinangunahan ni Ramon Bagatsing III ang paghahain ng kandidatura bilang alkalde at ng kanyang running-mate na si Pablo Dario “Chikee” Ocampo na kandidato naman bilang bise-alkalde.

Matapos ang kanilang paghahain ay nanawagan ang mga ito sa mga Manilenyo na suportahan ang kanilang plataporma ng malinis, tapat, at makataong pamamahala.

“Ang layunin namin ay maibalik ang dangal ng Maynila bilang sentro ng oportunidad at progreso, isang lungsod na may pagmamahal sa bayan at disiplina sa pamumuno,” ani Bagatsing.

“Kami ay narito upang maglingkod na may malasakit at buong-pusong dedikasyon, na may takot sa Diyos at paggalang sa kapwa,” dagdag pa ni Bagatsing.

Kilala ang mga Bagatsing sa tapat na paglilingkod mula pa noong termino ng dating Manila Mayor Ramon D. Bagatsing Sr. na siyang pinakamatagal na naglingkod na alkalde sa lungsod.

Samantala, ipinagmalaki naman ng mga Ocampo ang kanilang makasaysayang kontribusyon sa paglilingkod sa publiko, partikular na ang yumaong Congressman Pablo Ocampo, ni Chikee Ocampo, at ang anim na terminong serbisyo ng kanyang kapatid na si Congresswoman Sandy Ocampo sa ika-6 na Distrito ng Maynila.

AUTHOR PROFILE