
Avot John ng Navotas, nagbigay aliw sa mga batang nagpabakuna
NAGING matagumpay ang paglulunsad ng programang “Chikiting Ligtas 2023” sa Navotas City nang dumugin ang kaganapan ng mga magulang na may bitbit na sanggol para pabakunahan laban sa tigdas at patakan ng panlaban sa polio.
Sinuportahan kasi ni Mayor John Rey Tiangco ang malawakang kampanya ng Department of Health para sa pagbabakuna sa mga batang hindi lalagpas ng limang taon gulang pababa laban sa tigdas, rubella at polio.
Pinakinggan ng mga magulang ang panawagan ni Mayor Tiangco sa kanila na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa mapanganib at nakamamatay na sakit dahil mabisa at ligtas ito para mabigyang proteksiyon ang kanilang mga sanggol.
Hindi kinakitaan ng takot ang mga batang sumailalim sa pagbabakuna dahil naaliw sila sa mascot na si Avot John, lalu na nang kunwari’y tturukan siya ng bakuna mismo ng alkalde.
Kabilang sa mga dumalo sa naturang paglulunsad sina DOH-Metro Manila Center for Health Development Regional Director Dr. Aleli Annie Grace Sudiacal, Assistant Regional Director Dr. Pretchell Tolentino, at Malabon-Navotas Medical Society President Dr. Lorenzo Bernardino.
Sumira sa magandang imahe ng Parak kumakalat sa social media
PARAK ang taguri sa mga mahuhusay at mabubuting pulis kaya’t ginagamit din ang salitang ito bilang acronym sa itinatatag na grupo ng kapulisan na lumalaban sa lahat ng uri ng kriminalidad.
Pinasikat ng namayapang dating Senator at Police Col. Robert Barbers ang salitang Parak na isinapelikula pa noong taong 1997 na pinagbidahan ni Philip Salvador bilang Bobby Barbers.
Natakot ang mga kriminal sa grupo ng mga Parak kaya’t nakakaramdam ng kapayapaan ang mga mamamayan saan mang lugar kapag may nakikita silang gumagalang mga pulis.
Pero mukhang sinalaula raw ng isang nagpapakilalang Parak ang magandang imahe nito nang kumalat sa social media ang hinanakit ng grupo ng mga lehitimong operator ng mini-carnival sa Central Luzon na umano’y kinokotongan ng malaking halaga ng nagpapakilalang parak, gamit ang iba’t-ibang unit ng Police Regional Office (PRO)-3.
Sa post sa social media ng naturang grupo, puwersahan umano silang hinihingan ng goodwill money at lingguhan tongpats ng parak para sila makapagsimula ng kanilang hanapbuhay.
Nakasaad pa sa hinaing ng grupo na handa raw naman silang tumulong sa mga pangunahing pangangailangan ng mga tanggapan pero huwag naman daw sana na hanggang leeg na nila ang hinihinging tongpats.
Kung makakarating lang siguro sa kaalaman ni Central Luzon PRO-3 Director P/BGen. Jose Hidalgo, Jr ang hinaing ng grupo ng mga operator ng mini-carnival, tiyak na iuutos niya ang pag-iimbestiga nagpapakilalang Parak dahil baka makasira pa ito sa kanyang magandang imahe.
Bago pa kasi naging PRO-3 Director si Gen. Hidalgo, naging District Director siya ng Northern Police District (NPD) kung saan tumatak ang kanyang pangalan sa mga maralitang taga-lungsod dahil sa tulong na kanyang ipinamamahagi sa mga ito noong panahon ng pandemya.
Sa pamumuno rin ni Gen. Hidalgo sa NPD nakumpiska sa isa sa big-time na gun runner ang iba’t-ibang uri ng matataas na kalibre ng armas sa magkasunod na operasyon sa Pasay City at Imus. Cavite noong Hunyo ng taong 2021.
Sabi pa nga niya nang maupo bilang Director ng PRO-3, “no mercy” o hindi niya patatawarin ang sinuman na gagawa ng katiwalian na makakasira sa kanilang hanay kaya kung may isang nagpapakilala raw na parak na gumagamit sa mga tanggapan ng kapulisan para makapangurakot, tiyak na may paglalagyan sa magiting na Heneral.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]