Vilma

Ate Vi, nagsalita sa naging kaso ni Luis

November 8, 2023 Vinia Vivar 193 views

Inamin ni Star for All Seasons Vilma Santos na matinding sakit ang naramdaman niya nang masangkot ang anak na si Luis Manzano sa isang kaso kahit walang kasalanan.

Matatandaan na innakusahang scammer si Luis ng mga taong nag-invest sa Flex Fuel Petroleum Corporation pero naabswelto rin at napatunayan na pati ang TV host ay nabiktima ng P66 million.

Ayon sa panayam ni Cristy Fermin kay Ate Vi, hindi niya akalain na magagawa ito ng mga taong itinuturing na kaibigan ni Luis.

“Masyadong masakit ‘yung naramdaman ko noon kasi unang-una, kilala ko ‘yung anak ko and alam ko kung saan nanggaling dahil ‘yung mga taong bumiktima sa kanya, itinuring ko ring mga anak,” aniya.

“Imagine magkaklase pa sila elementary, I mean, kilala n’yo kung sino kayo. So, nagdi-dinner ‘yun sa amin every other week, parang itinuring kong mga anak. But I didn’t expect na kaya nilang gawin ‘yon sa anak ko,” patuloy niya.

Obvious naman daw na ginamit lang ng mga ito ang pangalan ni Luis at nang nagkakaproblema ay nauna pang umalis ang mga kaibigan.

“So, nu’ng tinitira nila ‘yung anak ko na scammer, I was feeling so hurt pero hindi ako pwedeng magsalita nang magsalita,” Ate Vi said.

Maging si Luis, hindi akalain na mangyayari ‘yun.

“But isa lang (ang) nakapagpalubag-loob sa akin. I’ll be honest na, ‘yung mga nagreklamo, may mga record din pala. Alam mo ‘yung ibig kong sabihin, kung pagbabatayan mo ‘yung credibility, eh, may kaso rin pala, eh,” sey pa ni Ate Vi.

Pinakamasakit na hagulgol nga raw sa buhay niya ang nangyari pero talaga raw mabait ang Diyos dahil nakita rin na walang kasalanan si Luis.

AUTHOR PROFILE