
Ate Guy, pumanaw sa edad na 71
PUMANAW ngayong Miyerkules ang nag-iisang Superstar at National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor sa edad na 71.
Mismong ang anak niyang si Ian de Leon ang nagkumpirma ng malungkot na balita sa kanyang Facebook account.
“We love you Ma… alam ng diyos kung gano ka namin ka mahal… pahinga ka na po Ma… nandito ka lang sa puso at isipan namin,” saad ng aktor sa kanyang unang FB post na sinamahan niya ng isang black and white photo ni Ate Guy.
Sa sumunod na post, sinabi ni Ian na ngayong Huwebes iaanunsyo ang detalye ng wake ng kanyang ina.
“With deep sorrow and heavy hearts, we share the passing of our beloved mother, Nora C. Villamayor ‘Nora Aunor’ who left us on today April 16, 2025 at the age of 71.
“She was the heart of our family — a source of unconditional love, strength, and warmth. Her kindness, wisdom, and beautiful spirit touched everyone who knew her. She will be missed beyond words and remembered forever.
“Details to be announced tomorrow,” patuloy ni Ian.
Naulila rin ni Ate Guy ang iba pang mga anak na sina Lotlot, Matet, Kiko at Kenneth de Leon.
Sa kanyang IG Story ay agad na nagpaabot ng mensahe ng pakikiramay ang Star for All Seasons na si Vilma Santos-Recto.
Ani Ate Vi, “Our sincerest condolences and prayers. Rest In Peace Mare. Ms. Nora Aunor! Our Superstar and National Artist… Maraming Salamat!”
Unang nakilala ang Superstar matapos magwagi sa local talent search na “Tawag ng Tanghalan” noong dekada ’60. Naging sentro noon sa showbiz ang kwento niya bilang konteserang kumakanta at nagtitinda ng tubig sa may riles ng tren sa Bicol.
Bukod sa pagkanta, sumabak din siya sa mundo ng pelikula at labis na sumikat bilang bahagi ng Guy and Pip loveteam nila ni Tirso Cruz III.
Bilang aktres, kinilala ang husay ni Ate Guy sa iba’t ibang award-giving bodies para sa mga de-kalibreng pelikula gaya ng “Tatlong Taong Walang Diyos”, “Himala,” “Bona,” “The Flor Contemplacion Story”, “Thy Womb” at marami pang iba.
Siya ang kauna-unahang artistang babae na nagwagi ng international best actress award mula sa Cairo International Film Festival para sa “The Flor Contemplacion Story”.
Noong 2022, dineklara siyang National Artist for Film and Broadcast Arts ng Malacanang kasabay ng screenwriter na si Ricky Lee at ng yumaong lady director na si Marilou Diaz-Abaya.
Mahigit 170 pelikula at teleserye ang pinagbidahan ni Ate Guy.
Ang huli niyang pelikulang naipalabas ay ang “Mananambal” kasama ang Kapuso actress na si Bianca Umali. Huli naman siyang napanood sa telebisyon sa seryeng “Lilet Matias: Attorney-at-Law” sa GMA Afternoon Prime.
Taus-pusong nakikiramay ang People’s Tonight sa pamilya’t industriyang naulila ni Ate Guy.