Paul Gutierez

Antayin munang makaupo…

July 4, 2024 Paul M. Gutierrez 188 views

HALOS puno ng pag-asa at positibo ang mga ng opinyon at reaksyon na tinanggap ni Senador Sonny Angara sa paghirang sa kanya ni Pangulong Bongbong Marcos bilang susunod na kalihim ng Department of Education (DepEd).

Dangan kasi, bukod sa magandang record sa lehislatura mula sa pagiging kongresista bilang kinatawan ng lalawigan ng Aurora at sa dalawang termino sa senado, pambihira din at hindi matatawaran ang kanyang educational background.

Nagtapos siya ng abogasya sa UP College of Law at Masters of Law naman sa Harvard Law School. Gayundin, nagtapos siya na with honors sa kursong Bachelor of Science in International Relations sa London School of Economics.

Dala marahil ng kanyang magandang record sa lehislatura at antas ng pinag-aralan, ang paghirang sa kanya ni PBBM ay umani ng mga papuri at pag-asa mula sa mga kilalang personalidad at iba’t ibang sektor ng lipunan.

Maging tayo ay mataas ang kumpiyansa na matutugunan ni Sen. Sonny, kung hindi man lahat, ang mga pangunahing suliranin at pangangailangan sa kagawaran, na sa tingin ng marami ay tila hindi nabibigyang-solusyon.

In fairness sa mga nagdaang opisyal ng kagawaran, hindi naman madali o magaan ang mga kinakaharap na hamon sa DepEd, na kahit si ‘superman’ ay hindi makakayang solusyunan ang mga suliranin sa iglap o isang ‘kumpas lang ng daliri.’

Nakakalungkot lang na sa kabila na marami ang naghayag ng kumpiyansa at tiwala sa paparating na bagong kalihim, may ilan pa rin na tila hindi nasisiyahan o ‘yung mga tipo na naghahamon agad sa kakahayan, sa halip na mag-antay muna kung ano ba ang mga plano o programa na ilalatag sa kagawaran.

Sa tingin natin, kahit hindi na maghayag ng mga issue o suliranin na kinakaharap ng DepEd, batid ni Sen. Angara ang mga bagay na iyan, at naniniwala tayo na isa-isa niyang hihimayin at aaralin ang mga matagal nang problema na kinakaharap ng tanggapan.

Ito kasing mga maka-kaliwang grupo, agad na hinamon ang incoming DepEd chief at naghayag ng mga issue na nais nila na tugunan kabilang ang K-12 program, dagdag sweldo, dagdag teaching personnel, atbp. Uulitin ko, hindi na kailangan isa-isahin dahil tiyak na alam ito ng bagong kalihim at pag-aaralan alin ang bibigyang prayoridad.

Walang masama sa pagpuna o pagbatikos, pero mas mainam kung magbigay ng suhestiyon o tumulong para mabigyang solusyon ang problema. Hindi ‘yung kontra lang nang kontra para lang maibandera na kayo ay opsisyon.

Naalala ko tuloy noong pirmahan ni PBBM ang batas na magtataas sa teaching allowance ng mga guro mula P5,000 ay gagawin nang P10,000 kada taon na magsisimula sa 2025.

Mantakin mo, mga kabayan, sa halip na magpasalamat, kahit huwag nang purihin ang naging aksyon, ay agad pang humirit ng pagtataas ng sahod ng mga guro – hindi pa nga naipatutupad ang dagdag allowance dahil sa 2025 pa, may dagdag hirit na agad?!

Kumbaga, walang kasiyahan. Ibinigay mo na ang kaliwang braso, gusto agad sunggaban ang kanan.

Magreklamo kayo kung nakikita ninyo na talagang walang ginagawa ang gobyerno na tulad ng mga bagay na ito, at iba pang programa para sa kapakanan ng mamamayan, hindi ‘yong nagbubulag-bulagan kayo sa magagandang bagay, at puro pagbatikos lamang ang ginagawa. Walang masamang tumulong, lalu kung sa kapakanan ng taumbayan. Promise!

At isa pang magandang gawin, antayin muna makaupo si Sen. Sonny, at kung sa tingin ninyo ay walang ginagawa sa mga isyung binabanggit n’yo, tsaka kayo ulit mag-ingay at ipaalala kung ano ang mga pagkukulang.

AUTHOR PROFILE