Garcia Comelec Chair George Garcia

ANO KAYO, HILO? — GARCIA

July 17, 2024 People's Tonight 487 views

Sa panawagan na magbitiw:

WALANG balak si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na magbitiw o mag-file ng leave of absence sampu ng iba pang mga commissioner ng poll body hinggil sa mga pekeng “offshore bank accounts” na umano’y pag-aari niya batay sa bintang ni dating Caloocan congressman Edgar Erice at SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta.

Sa press conference nitong Hulyo 17 na dinaluhan din ng lahat ng mga Comelec commissioners, regional directors at mga kawani ng ahensiya, sinabi pa ni Garcia na “nahihilo” ang mga nagsasabwatan na gibain ang komisyon upang mapilitan silang umalis sa kanilang puwesto.

“Ano sila, hilo,” anang opisyal.

Aniya pa, naglabas na rin siya ng waiver upang pahintulutan ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na imbestigahan ang umano’y 49 offshore bank accounts sa Bahamas, Cayman Island, Singapore at Hong Kong na ayon kay Marcoleta ay naglalaman ng higit P120 milyon ($2.1 million).

Bagaman inamin na “unverified” o walang matibay na pruweba ang kanilang akusasyon, sinabi pa ni Marcoleta na ang nasabing halaga ay galing sa mga bangko sa South Korea kung saan nakabase ang Miru System Company Ltd., ang nanalong bidder para sa suplay ng mga automated counting machines na gagamitin ng bansa sa 2025 midterm at Barangay and Sangguniang Kabataan elections.

Ang pagkapanalo ng Miru ay tuluyan nang tumuldok sa pananatili ng Smartmatic bilang automation partner ng Comelec sa mga darating pang halalan, matapos makopo ang kontrata sa nakalipas na higit isang dekada.

Ayon naman kay Commissioner Marlon Casquejo na isang dating piskal, posibleng makasuhan din ng paglabag sa Anti-Sedition Law o Article 139 sa Revised Penal Code (RPC) ang mga kumikilos upang sirain ang imahe ng Comelec at pigilan ito na magampanan ang mandato nitong pamahalaan ang pagsasagawa ng mga halalan.

Pinansin ng opisyal na ang ginagawang pag-atake sa Comelec at panawagan upang magbitiw ang mga opisyal nito ay isang paraan ng pagpigil sa komisyon na magampanan ang mandato nito at malinaw na paglabag sa Anti-Sedition Law.

Ani Garcia, siya ang tatayong complainant sa mga inihahanda nilang kaso batay sa magiging resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mga nakitang pekeng dokumento na ginamit upang siraan ang poll chief.

Tumanggi si Garcia na pangalanan ang mga sasampahan ng kaso sa ngayon. “Ayaw nating bumaba sa kanilang ‘level’ na nag-aakusa nang wala namang batayan,” aniya pa.

Wala namang naging alinlangan ang mga grupo at organisasyon ng Comelec sa pagpapakita ng suporta kay Garcia at sa liderato ng komisyon sa paniwalang walang batayan ang mga bintang laban sa kanila.

Kabilang sa mga ito ang 82-Provincial Election Supervisors ng ahensiya, League of Election Officers of the Nation (LEON), NCR Election Officers Association at Comelec Regional Election Directors’ Association (CREDO).

Personal ding nagpunta sa press conference si Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director Usec. Paul M. Gutierrez upang ipakita ang kanyang suporta sa liderato ni Garcia.

Nakatakdang lumagda ang PTFoMS at Comelec sa isang kasunduan sa Hulyo 23 para sa kaligtasan ng mga mamamahayag tuwing may halalan.

AUTHOR PROFILE