DA Source: DA file photo

Ani tataas sa DA, NIA collab

April 8, 2025 Cory Martinez 132 views

NAGSANIB-pwersa ang Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) at National Irrigation Administration (NIA) para sa double cropping na layuning makapagbigay ng mataas na ani at kita sa mga magsasaka.

Bilang pagsisimula ng pagpapatupad ng inisyatiba, inihahanda na ng DA at NIA ang mga magsasaka ng palay sa Marinduque para sa extra planting season sa sandaling maihatid ang mga certified inbred seeds.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., layunin din ng naturang inisyatiba na matulungan ang mga magsasaka na ma-maximize ang ani sa pagitan ng dry at wet seasons.

Sa seed program may kabuuang 5,546 bags ng certified inbred seeds na inilaan sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) para sa mga magsasaka sa Marinduque.

Masasakop ng ibinigay na binhi ang 2,558 ektarya ng lupa at masisigurong ang mga lugar na nasa ilalim ng Double Dry Cropping Scheme ng NIA handa na para taniman.

Mayroon ng inisyal na deliveries sa mga magsasaka sa Mogpog at Sta. Cruz na mayroon na ngayong access sa NSIC Rc 160, isang mataas na variety ng binhi na lumalaban sa mga pesteng tulad ng yellow stem borers.

Mahihinog sa loob ng 107 araw ang binhing ito at may potensiyal na ani ng hanggang 5.6 tonelada kada ektarya o katumbas ng 112 na 50-kilo bags ng palay.

Batay sa data ng PhilRice, umani ang mga magsasaka sa Marinduque ng16,526 metric tons ng palay mula sa 5,085 ektarya noong nakalipas na taon at nakapag-ani ng 3.25 metric tons per ektarya o 65 na 50-kilong sako ng palay.

Ayon kay Rhemilyn Relado-Sevilla, Director ng PhilRic sa Los Banos, ang maagang delivery ng mga binhi makakatulong na mapagaan ang banta ng matinding panahon.

Ang inisyatibong ito, na pangunahing resulta ng MaSaGana Rice Industry Development Plan (MRIDP), nagsusulong ng katatagan at tibay sa gitna ng climate change sa pamamagitan ng double cropping system at i-adjust ang petsa ng pagtatanim upang mabawasan ang aberyang dulot ng paiba-ibang panahon.

Bilang dagdag sa Mogpog at Sta. Cruz, ang mga bayan ng Boac, Buenavista, Gasan at Torrijos naghahanda na para sa nalalapit na tag-ulan.

Ang RCEF program namamahagi rin ng ibang mga uri ng binhi na mataas ang ani tulad ng NSIC Rc 218, 608 at 402, na napatunayang epektibo sa pagpapalakas ng ani.

Nakita ni Angelito Nabing, presidente ng Mogpog Farmers Federation, ang kapansin-pansing pagbabago sa kanilang mga ani.

Iniulat ni Nabing na matapos magpalit ng inbred varieties ng RCEF, dumoble ang kanilang ani mula 60 cavans per hectare sa 120.

Kahit sa hindi magandang kondisyon ng panahon, ang pinakamababang ani 80 cavans, isang malaking kaibahan sa kanilang nakalipas na ani.

Tinukoy naman ni Lecenio Dela Cruz, pangulo ng Silangan Santa Cruz Irrigators Association, ang mga bentahe ng NSIC Rc 402, partikular ang mahabang butil na mas madaling maibenta.

Ang mataas na kalidad ng uring ito hindi lamang nagpataas sa ani kundi pinaganda nang kakayahang maibenta ang produkto.

Inilunsad noong 2023, naipamahagi na ang 19,710 bags ng inbred na binhi sa buong Marinduque at pinakinabangan ng libu-libong mga magsasaka.

Inaasahang makapagbigay ang inisyatiba ng malaking kontribusyon sa pangkalahatang produksyon ng palay sa lalawigan.

Sinabi naman ni NIA Administrator Eddie Guillen na pinapalawak ang programa sa ibang lugar na sakop ng irrigation systems upang lalo pang madagdagan ang ani ng mga magsasaka at mapalakas ang seguridad sa pagkain.

Tiniyak ng NIA ang matatag na supply ng irigasyon upang masustini ang regular dry season at second dry season na pagtatanim at masigurong magamit ng husto ng mga magsasaka ang potensiyal sa buong two cropping cycles.

Ayon naman kay Tiu Laurel, karagdagang pondo ang ilalaan sa seed program sa susunod na taon kapag ang budget para sa pinalakas na RCEF itinakda sa triple na P30 billion.

Sa April 30, ilalarga ng PhilRice ang unang Lakbay Palay event sa Marinduque. Iaalok ng programang ito sa mga magsasaka ang pagkakataon na masiyasat at makita ang modernong pagsasaka ng palay gamit ang teknolohiya at lalo pang mapahusay ang kanilang kaalaman at kakayahan sa pagtatanim.

Kapag pinagsama ang double dry cropping system sa certified inbred na mga binhi, soil ameliorants at conditioners sa lupa magbibigay ng makabuluhang direksyon upang mapahusay ang ani ng palay sa pamamagitan ng pinalakas na pagtatanim.

AUTHOR PROFILE