Magi

Ang SONA ay pagtupad sa tungkulin ng Pangulo

July 20, 2024 Magi Gunigundo 439 views

INUUTOS ng 1987 Konstitusyon na sa pagbubukas ng regular na sesyon ng Kongreso tuwing ika-apat na lunes ng Hulyo, ang Pangulo ay magtatalumpati sa harap ng Kongreso upang magbigay ng State of the Nation Address ( SONA).

Nakapaloob sa talumpati ang impormasyon na hawak ng Pangulo namakakatulong sa pagbalangkas ng mga bagong batas na minumungkahi niya para sa kaunlaran ng sambayanan. Ang SONA ay makabuluhang paggamit ng Pangulo ng kanyang kapangyarihan magpabatid sa Kongreso ng mahalagang impormasyon kaya’t hindi ito aksaya lang ng panahon, pagod at pera sapagkat minsan lang sa isang taon ito dinaraos.

Sinasaad ng Seksyon 23, Artikulo VII , 1987 Konstitusyon na, ”Dapat magtalumpati ang Pangulo sa Kongreso sa pagbubukas ng regular na sesyon nito. Maaaring humarap din siya rito kahitsa iba pang pagkakataon.” Ang regular na sesyon ay nagbubukas sa ika-apat na Lunes ng Hulyo (Seksyon 15, Artikulo VI, 1987 Konstitusyon).

Makasaysayan ang probisyon ng SONA sapagkat ito rin ang nakasaad sa Seksyon 16, Artikulo VII, 1973 Konstitusyon at sa Seksyon 10, Artikulo VII, 1935 Konstitusyon na hinango mula sa Seksyon 3, Artikulo II, Konstitusyon ng Amerika, “Paminsan-minsan ay dapat niyang[Pangulo] ibigay sa Kongreso ang impormasyon ng Estado ng Unyon, at magrekomenda sakanilang pagsasaalang-alang ng mga hakbang na pinapalagayniya na kinakailangan at angkop…”

Pinaliwanag ni Mahistrado Isagani A Cruz (PhilippinePolitical Law, 2002 edition p. 241) na “bagama’t nakalagay sa mandatoryong wika, ang unang pangungusap ng probisyongito [Seksyon 23, Artikulo VII , 1987 Konstitusyon] ay hindi nagpapataw ng isang sapilitang tungkulin sa Pangulo. Sa kanyang paghuhusga, maaari siyang magbigay o hindi magbigay ng impormasyon sa lehislatura, bagama’t kadalasan ay pipiliin niyang gawin ito para sa mga praktikal na dahilan. Sa isang bagay, gugustuhin niyang mapanatili ang mabuting kalooban ng Kongreso at sa gayon ay hindi tatanggihan ang kahilingan nito para sa impormasyon kung ang paglabas nito ay hindi sa kanyang paniniwala ay makakasira sa interes ng publiko. Isa pa, ang hinihiling na impormasyon ay maaaring kailanganin bilang batayan ng batas na kanyang inirerekomenda at ang kakulangan ng naturang batayan ay magbibigay ng katwiran sa lehislatura na hindi kumilos sa kanyang mga panukala.” “Karaniwang ibinibigay ng Pangulo ang kapangyarihang magbigay ng impormasyon sa pamamagitan ng tinatawag na state-of-the-nation address, na ibinibigay sa pagbubukas ng regular na sesyon ng lehislatura.” (sariling salin mula sa orihinal naEnglish).

Ang punto de vista ng Pangulo sa mga nagaganap sa bansa ay di-pangkaraniwan sapagkat marami siyang natatanggap na lihim na impormasyon (nagmula sa unipormadong ahensiya ng pamahalaan tulad ng Pulis at Hukbong Sandatahan, sa mga embahada ng bansa at sa mga kapanalig na bansa sa ilalim ng tratado) na hindi basta maaaring isiwalat sa taong bayan.

​Pinapaalala natin sa mga epal na kongresista, senador at kanilang kabiyak na mahilig rumampa sa Batasan Pambansa tuwing SONA suot ang mga mamahaling barong at terno, na pinalamutian ng kumikinang na diyamante, perlas, at gintong alahas, ang nakasaad sa Seksyon 1 Artikulo XI na ang mga lingkod bayan ay dapat mamuhay ng katamtaman, umiwas sa pag-aaksaya ng pondo ng bayan (Seksyon 2 & 4 RA6713) at magtimpi sa hindi pinag-isipang luho sa panahon ng taghirap sapagkat maaari itong ipahinto ng hukuman (Artikulo 25, Kodigo Sibil). Ang inyong drama ay sumisira sa kapita-pitaganang SONA at hindi nakakatulong sa Pangulo sapagkat pinamamalas ninyo na manhid kayo sa pagdarahop ng maraming Pilipino. Bukod pa rito, ginagambala ninyo ang atensiyon ng taong bayan na dapat ay nakatutok sa sustansya ng sinabi, at lakas ng hindi sinabi, sa SONA na minsan lang sa isang taon nagaganap.

Maliwanag na ang SONA ay pagtupad sa sinumpaang tungkulin ng Pangulo Bongbong Marcos na inuutos ng Konstitusyon. Pakinggan at unawain ang talumpati at magtanong paano tayo makakatulong para umunlad ang sambayanan at huwag gawin okasyon ito para ipagmalaki ng mga damo sa bukid ang nakakahiyang agwat sa buhay ng naghaharing uri sa milyun-milyon pamilyang mahirap.

AUTHOR PROFILE