Paul Gutierez

Ang ‘Peryahan Press Corps,’ bow!

March 11, 2024 Paul M. Gutierrez 167 views

MUKHANG may tatalo na sa patagalan sa ere sa teleserye ni Coco Martin na “Ang Probinsiyano” at “Batang Quiapo.” Tatawagin (daw) itong “Hindi Pa Tapos Ang Laban.”

Tila sa ganitong eksena mauuwi ang bangayan ng Makati at Taguig na nag-ugat sa agawan sa 10 “Embo” barangays na kalaunan ay idineklara ng Korte Suprema na sakop ng lungsod ni Taguig Mayor Lani Cayetano.

Pero hindi lang pala d’yan iikot ang “teleserye.” Kumbaga sa usapin ng “mana” ng mga nag-aaway” na “anak” sa katauhan ng dalawang lungsod, may isa pa palang “anak” ang pinagtatalunang teritoryo sa katauhan naman ng bayan ng Pateros!

Hindi natin gaanong naririnig sa eksena ang bayan ng Pateros dahil maaring tahimik itong gumagalaw upang ipaglaban ang kanyang “karapatan.”

Noon Abril 2023, sa 28-pahinang desisyon ng First Division ng Supreme Court (SC) kung saan ponente mismo si Chief Justice Alexander Gesmundo, pinayagan nito ang petition for review ng Pateros na kumukuwestiyon sa pagbasura ng Court of Appeals sa claim nito sa 766 ektaryang Parcel 4 ng Survey Plan Psu-2031 na bahagi naman ng pinag-agawan ng Taguig at Makati!

Ibig sabihin, binibigyan ang Pateros ng pagkakataon na ilantad ang kanilang ebidensiya at argumento hinggil sa pag-angkin sa naturang lupain. Sa pagkaintindi natin sa desisyon, sinabi dito na bagama’t iginawad sa Taguig ang Parcel 3 at 4, hindi ito nangangahulugan na “sarado” na ang pinto para sa Pateros, nagkagulo na, hehehe, ayy, huhuhu!

Kumbaga sa basketball o volleyball, ‘triple tie’ na sila at nauna nang nag-tie-break ang Makati at Taguig na pinagwagian ng huli. At ang isa pang tie-breaker ay sa pagitan ng Pateros at Taguig. Hmm. Para rin palang love triangle, kung love story ang teleserye, hehehe!

Talagang “sobrang malaya” ang estado ng pamamahayag sa Pilipinas, mga kabayan. Sa katunayan, PAPI president, Nelson Santos at ex-NEPC president Jun Sy, patuloy (daw) na aktibo sa ‘recruitment’ itong ‘PPC’ o ang ‘Peryahan Press Corps,’ nye!

Sa mga reklamo, ehek, impormasyon, na natanggap natin, mula sa mga kapatid na midya sa Calabarzon hanggang dyan sa Central Luzon, isang indibidwal na lumilingon kapag tinawag na ‘Jo’ ang mistulang “presidente” nitong nasabing organisasyon.

Dangan kasi, may mga ipinapadala pa siyang ‘warning letter’ sa mga lokal na PNP at mga LGUs hinggil sa operasyon ng mga perya sa kani-kanilang lugar.

Aber, may ginawa na yata silang ‘tax mapping’ kaya alam ang mga puwesto ng mga perya kahit sa mga maliliit na lugar at barangay? Kung ganito nga, “panis” sa kanila ang BIR, hehehe!

And yes, PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz, kaladkad din nitong si ‘Pres. Jo’ ang Office of the President, araguy!

At dahil “hebigat” ang dating ng kanyang mga sulat, “natataranta” tuloy ang mga mayor at COPs na nasulatan ng grupong ito kaya kahit may “timbre,” ehek, ‘understanding’ sa mga operator ng perya, napipilitan silang ipatigil ang operasyon ng mga ito.

“Ngalngal” siyempre ang mga “peryante” dahil literal silang “magugutom” sa kawalan ng kita.

Ang payo naman natin? Eh, agad ipahuli at kasuhan ng robbery extortion ang mga kasapi nitong PPC kung ayaw tumigil sa panloloko nila. Paano ba naman, nababawasan na nga ang tiwala at kredibilidad ng matitinong kasapi ng midya lalo pa sa panahon ngayon na mayroon nang social media at pagkatapos may mga impostor pang ganyan? Sanamagan!

Oops! Ipahuli lang, mga bosing, sabay sigaw ng ‘HULI KA!’

Huwag namang “itumba” hane? Kapag nangyari kasi ‘yan, “sakit ng ulo” ko na ‘yan, hehehe, ayy, huhuhu!

AUTHOR PROFILE