Default Thumbnail

Ang kapangyarihan ng magulang

December 18, 2021 Magi Gunigundo 1551 views

Magi GunigundoANG kapangyarihan ng magulang sa kanyang anak at ari-arian nito, habang menor de edad pa ito, ay natural na karapatan at tungkulin ng magulang. Kabilang sa mga responsibilidad ng magulang ang pag-aalaga at pagpapalaki sa bata para maging mahusay at matinong bahagi ng pamayanan sa pamamagitan ng paglinang at pagpapaunlad ng asal, isip, at katawan ng bata na makapagbibigay sa kanya ng maginhawang buhay (Art. 209,Family Code o FC).

Ang kapangyarihan at tungkulin ng magulang sa kanyang anak ay hindi maaaring ipaubaya o isalin sa ibang tao maliban na lang sa tatlong pagkakataon: 1. Kung pinahintulutan ng hukuman ang pagpapa-ampon sa bata ;2. may sulat ng pagsusuko ng kapangyarihan ng magulang sa bata na iniwanan sa bahay ampunan ; 3. sa pagkakataon na tanggalan ng kapangyarihan at humirang ng ibang taga-pangalaga ng bata ang hukuman.

Ang isang bata ay may tungkulin igalang ang magulang kahit hindi na siya menor de edad. Sa katunayan, ang pagdalaw ng anak sa puntod ng magulang ay tanda ng paggalang sa yumaong magulang. Dapat din sumunod ang bata sa magulang hanggang hindi pa ito tumuntong sa edad na 18 taon (Art. 211, FC). Gayun pa man, ang pagpili ng kursong kukunin at ng lalaki o babaeng papakasalan ay nananatiling kaukulang karapatan ng bata at hindi siya maaaring pilitin sumunod sa dikta ng magulang na hanggang payo lamang ang maaaring gawin ( Art. 56 at 57, Child and Youth Welfare Code o PD 603). Ang anak ay hindi maaaring pilitin tumestigo laban sa magulang at mga lolo at lola nito maliban na lamang kung ang kanyang nasaksihan ay napakahalagang ebidensiya na magpapatunay na may kasalanan o walang kasalanan ang nasasakdal (Art. 215 , FC). Pero kung ang bata ay gustong tumestigo, hindi siya maaaring pigilin ninoman. (Section 26, Rule 130 ng Rules of Court).

Ang kapangyarihan ng magulang sa bata ay pinagkaloob sa tatay at nanay ng bata. Subalit kung ilehitimo ang bata, tanging nanay lamang nito ang may kapangyarihan ng magulang sa bata.(Art. 211 at 176 ,FC).

Kung sakaling magkahiwalay ang mag-asawa, pinapalagay ng batas na mas mabuting mapunta sa nanay ang pag-aalaga ng bata na wala pang pitong taong gulang, maliban na lamang kung may mabigat na dahilan para ipagkait sa ina ang bata. (Art. 213, FC). Ilan sa mabigat na dahilan ang pagiging lasengga, pagkalulong sa ipinagbabawal na droga o pagkabaliw nito (Gualberto v Gualberto, 2005). Kapag ang bata ay mahigit pitong taong gulang na, mag-aala Haring Solomon ang hukuman at isasaalang-alang ang interes ng bata sa pagpapasya kung saan mas mapapabuti ang bata , sa piling ng ama o ng ina.

Kapag namatay ang magulang, nawala ito o di kaya ay tinanggalan ito ng kapangyarihan sa bata ng hukuman, maaaring gumanap ang lolo at lola, o ang panganay na kapatid na higit 21 taon gulang ang edad (parang si Andres Bonifacio na nagsilbing tatay at nanay ng kanyang mga batang kapatid ng maulila sila sa magulang). Kung walang lolo, lola at kapatid, ang aktwal na nangangalaga sa bata na ang edad ay higit sa 21 taon ang maaaring pagkalooban ng kapangyarihan sa bata(Art. 216, FC).

May tinatawag na special parental authority ang paaralan, ang namamahala nito at ang guro ng bata habang nasa eskwelahan ang bata. Saklaw din nito ang mga gawain na may kinalaman sa eskwela katulad ng field trip, excursion, study tour atbp (Art. 218, FC).Ang taong may kapangyarihan ng magulang o special parental authority ay may pananagutan sa batas kung sakaling may nasaktan o napatay ang bata (Art. 221, FC).

Ang mga magulang ng bata ang tumatayong tagapangalaga ng ari-arian ng kanilang anak at hindi sila kailangan pang hirangin ng hukuman. Bilang tagapangalaga ng kayamanan ng bata, tungkulin ng magulang na mapanatili ang kaayusan ng ari-arian subalit wala itong karapatang ibenta, isangla o paupahan ang mga ito ng walang pahintulot ng hukuman. (Art 225 , FC).

Ang kapangyarihan ng magulang ay magtatapos kapag tumuntong na sa edad na 18 taon ang bata (RA 6809). Kung gustong mag-asawa ng anak na nasa pagitan ng 18 taon hanggang 21 taon, kailangan pa rin ng pag-sang ayon ng magulang sa pagkuha ng marriage license ng anak(Art.14, FC).

Ang pag-aalaga at pagpapalaki ng anak ay isang tungkulin na mahirap gampanan kung walang tulong, karunungan at patnubay ng Banal na Espiritu. (mayroon tuloy mga batang lumaki na may galit sa pasaway na magulang). Bagamat ang panginoon Hesus ay anak ng Diyos, ipinagkatiwala kay Jose , ang asawa ni Maria, ang kapangyarihan ng magulang sa sanggol na isinilang sa sabsaban sa Bethlehem. Masunurin si Jose sa utos ng Diyos.

Hindi niya diniborsyo ang buntis na Maria, at nilikas niya ang kanyang mag-ina upang magtago sa Ehipto dahil sa panganib sa Israel. Sa ating pagdiriwang ng Pasko , ipagpasalamat natin sa Diyos na niloob niya tayong mapalaki at maalagaan ng ating mga mahal na magulang na katulad ni Jose at Maria.

MALIGAYANG PASKO SA ATING LAHAT!!!

AUTHOR PROFILE