Pagasa

Amihan posibleng matapos ngayong linggo — PAGASA

March 20, 2024 Melnie Ragasa-limena 82 views

POSIBLE nang matapos ang Amihan season ngayong linggo ayon mismo sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa public forecast ng PAGASA, sinabi ni weather specialist Benison Estareja na muling lumakas ang northeast monsoon o hanging amihan kung saan nakaranas ng mahinang pag ulan ang Central Luzon at Northern Luzon.

Pero ito na aniya ang “final wave” ng amihan, kaya naman maghanda na sa mas mainit na panahon.

Maaari na aniyang pormal na magsimula ang dry season o panahon ng tag init.

Asahan ang nasa 23-32 degrees celsius sa Metro Manila habang 14–24°C sa Baguio City, 25–32°C sa Metro Cebu, 24–34°C sa Metro Davao, at 24–35°C naman sa Zamboanga City.

Samantala, asahan naman ang maulap na panahon at kalat kalat na pag ulan sa Eastern Visayas, Sorsogon, at Masbate.

Posible namang makaranas ng pagbaha at pagguho ng lupa ang Cagayan Valley, Apayao, at Kalinga dahil sa malakas na ulang dala ng Amihan. Uulanin din ang Aurora at Northern Quezon.

Maulap naman na may isolated rains sa Metro Manila, Ilocos Region at natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region, Central Luzon, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon.