
‘Amazona’ patay sa engkwentro sa Bukidnon
PATAY ang isang babaeng rebelde matapos na makabakbakan ang tropa ng militar nitong Sabado sa Bukidnon.
Ayon kay Maj. Alfie A.Lee, executive officer ng 8th Infantry Battalion, naganap ang bakbakan dakong 5:26 ng umaga sa Sitio Malinao, Brgy. Kalasungay, Malaybalay City of Bukidnon.
Nakatanggap umano ng ulat ang mga tauhan ng 8th Infantry Battalion kaugnay ng presensiya ng armadong rebelde sa lugar kung kaya’t agad silang rumisponde.
Pagdating sa lugar, agad na nagkaroon ng bakbakan na tumagal ng ilang minuto at nagresulta sa pagkasawi ng rebelde na magpa hanggang ngayon ay hindi parin batid ang pagkakakilanlan.
Nakuha mula sa pinangyarihan ng engkwentro ang isang AK47 rifle, isang M14 rifle, isang improvised explosive device, isang rolyo ng detonating cord,dalawang blasting caps at iba’t ibang war materials.
Patuloy ang isinasagawang hot pursuit operations ng militar laban sa iba pang nagsitakas na rebelde.