Default Thumbnail

Alas Asin folk nagpasalamat sa 1 Bataan Village project

July 8, 2024 Christian D. Supnad 307 views

MARIVELES, Bataan–Nagpapasalamat kay Gov. Joet Garcia noong Lunes ang mga residente ng Brgy. Alas Asin dahil sa itatayong 1 Bataan Village housing project.

Sinabi ni Kapitan Dante Malimban na malaking tulong ang housing project nina Gov. Garcia, Congressman Abet Garcia at Congresswoman Gila Garcia para sa mga Mariveleños lalo na’t dumadarami ang populasyon sa Mariveles, partikular na sa Brgy. Alas Asin.

Ang Alas asin ang pinakamalaki at pinakamayaman na barangay dahil doon nakatayo ang dalawang higanteng power plants, International maritime school, oil depot, international ports at iba pang industrial companies.

Noong nakaraang linggo, nag pirmahan ng kasunduan sina Gov Garcia at isang private company para sa pagtatayo ng housing units sa Alas asin.

Ipinaliwanag ni Gov. Garcia na ang “PCPI ang ating magiging katuwang sa pagtatayo ng 1 Bataan Village Alas-asin, Mariveles, upang mailayo ang ating mga kababayang Mariveleño sa panganib na maaari nilang maranasan sa kanilang dating tirahan, at mas mailapit sa mga oportunidad sa kabuhayan, edukasyon at serbisyong pampubliko.”

Sinabi pa ni Garcia sa kanyang mga kababayan na: “Makaaasa po kayo na patuloy tayong nakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor upang maisakatuparan ang minimithi nating ligtas, maayos at disenteng pabahay para sa bawat pamilyang Bataeñong higit na nangangailangan.”