Gatchalian

Ahensya na mag-a-assess sa mag-aaral gusto ni Sen. Win

October 22, 2023 Camille P. Balagtas 257 views

BALAK ni Sen. Sherwin Gatchalian na maghain ng panukalang batas na magtatatag ng independent body o ahensya na magsasagawa ng assessment sa performance ng mga mag-aaral.

“Kung iisipin natin, ang Department of Education (DepEd) ang bumubuo at nagpapatupad ng curriculum. Ito rin ang nagsasagawa ng assessment, sumusuri sa datos at batay sa mga nagiging resulta ng pag-aaral, mismong DepEd din ang nagwawasto sa sarili nito.

Pero bakit kailangang iwasto ng DepEd ang sarili nito kung siya naman ang gumagawa at nagpapatupad ng curriculum? Kaya marapat lamang na magkaroon ng isang independent body na siyang magsasagawa ng assessment, susuri ng mga resulta at magbibigay ng mga rekomendasyon sa DepEd upang magkaroon tayo ng konsepto ng check and balance,” ani Gatchalian.

Ibinigay na halimbawa ng senador ang National Assessment Program-Literacy and Numeracy (NAPLAN) ng Australia na sumusukat at sumusuri sa literacy at numeracy ng mga batang Australians.

Itinatag ng Australian Curriculum, Assessment and Reporting Authority ang NAPLAN, isang hiwalay na tanggapan para sa pagbuo ng national curriculum, national assessment program at national data collection and reporting program.

Sa Finland naman, isinasagawa ng Finnish Education Evaluation Centre (FINEEC) ang mga evaluation mula early childhood education hanggang sa kolehiyo. Isang malayang ahensya ang FINEEC na ginagabayan ng national education evaluation plan ng Finland.

Paliwanag ni Gatchalian, 1991 pa lang noong magbigay ang unang Congressional Commission on Education (EDCOM I) ng rekomendasyong lumikha ng isang malayang national testing and evaluation agency na bubuo, magsasagawa at magsusuri sana ng mga national achievement tests.

Inirekomenda rin ng EDCOM I noon na magsasagawa at susuri rin sana ang ahensyang ito ng iba pang mga test o pagsasanay sa kakayahan, talino, personalidad, equivalency at mga pambansang scholarships. Hindi natuloy ang pagbuo ng ahensyang ito.

Ayon pa sa Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, walang organisado at sentralisadong data bank sa kabila ng pagsasagawa ng maraming mga test tulad ng Early Language, Literacy and Numeracy Assessment (ELLNA), National Achievement Test (NAT), Comprehensive Rapid Literacy Assessment (CRLA), Philippine Informal Reading Inventory (PHIL-IRI) at iba pa.

Dagdag pa ng senador, walang ngayong regular at sistematikong pagsusuri ng assessment data para magabayan ang mga kasalukuyang polisiya sa edukasyon.

Hindi rin ibinabahagi sa publiko ang mga assessment dataset para sa pagsusuri, bagay na nagdudulot ng kawalan ng malinaw at napapanahong feedback mechanism sa datos ng assessment ng mga mag-aaral, mga guro, mga eksperto, mga policy makers at iba pang mga katuwang sa edukasyon.