
AFP, PNP execs nagbabala!
Sa mga nagbabalak mandaya, manggulo sa May 9 elections
ISANG grupo ng mga opisyal mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang naglabas ng pahayag nitong Lunes na humihiling sa Commission on Elections (Comelec) at poll software provider nitong Smartmatic na tiyaking “fraud-free” ang halalan sa Mayo 9, 2022.
Ang grupo, na binubuo ng mga senior at junior officers mula sa battle-hardened units ng AFP at PNP, ay mariing giniit na magkaroon ng mga mekanismo para hadlangan ang malawakang pandaraya at maiwasan ang potensyal na failure of elections.
“We, Generals, Admirals, Officers, Soldiers, Sailors, Marines, and Airmen – all Warriors and Veterans, support a clean, honest, and fraud-free election of candidates who shall become our national and local leaders,” ayon sa isang bahagi ng pahayag.
“We demand that Comelec and Smartmatic ensure that there is no tampering of the automated election system, and that strict mechanisms be put in place and observed to prevent cheating,” dagdag pa ng grupo sa nasabing pahayag.
Bagaman hindi tahasang binanggit, ang pahayag ay tila pahiwatig kay Commissioner Marlon Casquejo, ang pinuno ng steering committee ng 2022 polls para gawing malinis at maayos ang halalan.
Si Casquejo, habang kakagaling pa lamang sa pagbisita sa Estados Unidos ay pinayagan ang pag-imprenta ng mga opisyal na balota nang walang presensya ng mga tagamasid mula sa iba’t-ibang grupo sa halalan.
Ang nasabing hakbang ay nakakaalarma at isang potentsiyal na maging daan sa pandaraya.
Si Casquejo ay nagsisilbi rin bilang commissioner-in-charge ng Office for Overseas Voting (OFOV) at ang printing committee, na kamakailan ay nasangkot sa mga kontrobersiya.
Ayon sa mga ulat ng mga OFWs, maraming iregularidad ang naganap kasunod ng pagsisimula ng Overseas Absentee Voting (OAV) sa iba’t ibang embahada ng Pilipinas.
Matatandaan na nitong unang bahagi ng taon, nakakuha ang isang grupo ng mga hackers ng ilegal na data mula sa Comelec.
Nalaman sa mga sumunod na imbestigasyon na isang empleyado ng Smartmatic ang nakipagsabwatan sa nasabing insidente.
Sinuportahan din ng mga opisyal ang pagtitiyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang dayaan na magaganap bago, habang, at pagkatapos ng araw ng halalan. Kinasuklaman rin ng grupo ang potensyal na panghihimasok ng mga dayuhan sa karapatan ng mamamayan na pumili ng mga magiging pinuno ng bansa.
“We trust and support the policy statement of the President and Commander-in-Chief that no cheating shall be committed before, during, and after election day.
We abhor and rebuke foreign intervention in purely domestic matters and in the exercise of our inalienable right to choose our leaders,” saad pa ng grupo sa kanilang pahayag.
Ipinahayag din ng grupo ang kanilang kahandaang kumilos at panagutin ang mga makikisabwat habang hinimok nila ang poll body at Smartmatic na tanggihan ang ‘foreign intervention’ upang maprotektahan ang halalan.
“We will protect our votes and shall hold accountable all those who will subvert our will, the sectors we represent, and all the Filipino voters in general,” pagdiin ng grupo sa nasabing pahayag.
“We call on the Comelec, Smartmatic, the candidates and the President to reject and deny foreign intervention in whatever form, manually, digitally, electronically, or otherwise,” ayon pa sa isang bahagi ng pahayag.
Samantala, lumalabas sa ilang ulat ang hindi maipaliwanag na pagkasira ng malaking bilang ng mga Vote Counting Machines (VCMs) bago ang deadline sa testing at sealing ng mga ito ngyaong Mayo 5, 2022.
Binanggit rin sa mga nasabing ulat na ibinaba ng Comelec ang orihinal nitong 5% threshold para sa mga reserbang VCM unit sa 2% dahil ang ilan ay ginagamit upang mapunan ang kakulangan sa mga ito.
Nangangahulugan lamang na ang bilang ng mga naka-deploy na VCM sa Mayo 9 ay magiging masyadong manipis at maaaring magresulta sa pagkaantala habang ang mga local Comelec officials ay nagkukumahog na palitan ang mga nasirang VCM.
Nanawagan din ang mga opisyal ng AFP at PNP sa mga kandidato na huwag pahintulutan ang pandaraya dahil ang halalan ay kumakatawan sa demokrasya.
“We believe that election is the true representation of democracy. As such, we ask all candidates to make a strong commitment not to cheat, and neither allow cheating nor fraud to happen,” ayon pa sa naging pahayag ng grupo.