Scholar SCHOLARSHIP DEAL– Lumagda noong Biyernes sina Gov. Joet Garcia (gitna) at Vice Gov. Cris Garcia ng memorandum of agreement (MOA) para sa 5-year scholarship program sa pagitan ng AboitizPower subsidiaries GMEC at GNPD sa pangunguna ni President at CEO Danel Aboitiz. Kuha ni Christian Supnad

AboitizPower nagbigay ng scholarship sa 200 estudyante ng BPSU, PUP

April 26, 2025 Christian D. Supnad 101 views

BATAAN–Nagbigay noong Biyernes ng P10 million scholarship grant ang AboitizPower para sa 200 mag-aaral sa Bataan Peninsula State University (BPSU) at Polytechnic University of the Philippines (PUP)- Mariveles.

Ayon kay Gob. Joet Garcia: “pangunahing layunin ng pamahalaang panlalawigan ang magsulong ng mga programang makatutulong sa mga kabataan na makapagtapos ng pag-aaral.”

Noong 2004, inilunsad ni ex-Gov. Tet Garcia ang programang Iskolar ng Bataan na layong makapagpatapos ng isang kolehiyo sa bawat pamilyang Bataeño na magsisilbing tulay upang maiangat ang kalidad ng kanilang pamumuhay.

Bilang pagpapatuloy ng adhikaing ito, lumagda sina Gov. Garcia noong Abril 25 ng 5-year scholarship program sa pagitan ng AboitizPower subsidiaries GMEC at GNPD sa pangunguna ni President at CEO Danel Aboitiz.

Sa ilalim ng programa, magkakaloob ng P10 million scholarship grant ang AboitizPower sa 200 mag-aaral para kumuha ng kursong engineering sa loob ng limang taon.

“Lubos po ang ating pasasalamat sa AboitizPower sa kanilang walang-sawang pakikipagtulungan sa atin.

Sa pamamagitan ng kanilang suporta, mas naaabot po natin ang ating pangarap na magkaroon ng isang matatag, malaya at maunlad na pamilyang Bataeño—na may sapat na edukasyon bilang pundasyon ng mas maliwanag na kinabukasan,” dagdag ng gobernador.